COVID-19 variant na nadiskubre sa Pinas tinawag na ‘theta’ ng WHO

COVID-19 variant na nadiskubre sa Pinas tinawag na ‘theta’ ng WHO

June 3, 2021 @ 7:43 PM 2 years ago


MANILA, Philippines – Pinangalanan ng World Health Organization (WHO) na “Theta” ang coronavirus variant na natagpuan sa Pilipinas upang maiwasan ang hindi kaaya-ayang impresyon sa bansang una itong nadiskubre.

Gumamit ng Greek alphabet ang WHO upang tukuyin ang variants of concern (VOC) at variants of interest (VOI).

“These labels do not replace existing scientific names (e.g. those assigned by GISAID, Nextstrain and Pango), which convey important scientific information and will continue to be used in research,” pahayag ng WHO.

“While they have their advantages, these scientific names can be difficult to say and recall, and are prone to misreporting. As a result, people often resort to calling variants by the places where they are detected, which is stigmatizing and discriminatory,” anila pa.

Ang VOI ay pinaghihinalaang variant at sumasailalim pa sa WHO SARS-CoV-2 Virus Evolution Working Group.

Pinangalanan ng WHO ang anim na VOI na:

  • Epsilon (B.1.427 o B.1.429 variant na unang natuklasan sa United States)

  • Zeta (P.2 variant na unang nadiskubre sa Brazil)

  • Eta (B.1.525 variant na nakita sa iba’t ibang bansa)

  • Theta (P.3 variant na unang natuklasan sa Philippines)

  • Iota (B.1.526 variant na unang nadiskubre sa United States)

  • Kappa (B.1.617.1 variant na unang nadiskubre sa India)

Ang VOC naman ay kumpirmadong variant na nagsanhi ng pagtaas ng pagkahawa at nagkaroon ng epekto sa health protocols, diagnostics, bakuna at paggamot.

  • Alpha (B.1.1.7 variant na unang nadiskubre sa United Kingdom)

  • Beta (B.1.351 variant na unang natuklasan sa South Africa)

  • Gamma (P.1 variant na unang natuklasan sa Brazil)

  • Delta (B.1.617.2 variant na unang nadiskubre sa India)

Sa kasalukuyan, may apat na VOC sa bansa.

Batay sa huling datos, mayroong 1,071 Alpha cases, 1,246 Beta cases, 13 Delta cases, at dalawang Gamma sa bansa. RNT/ELM