COVID BA.4, BA.5 MABANGIS SA MGA SENIOR CITIZEN

COVID BA.4, BA.5 MABANGIS SA MGA SENIOR CITIZEN

July 11, 2022 @ 7:00 PM 1 month ago


PEBORIT na salakayin at ipadala sa ospital o crematory o sunugan ng bangkay ng Omicron variants na BA.4 at BA.5 ang mga senior citizen.

Ito ang babala ng European Union Medicines Agency kasabay ng pagtutulak nito sa mga senior citizen na edad 60 pataas na magpaturok ng ikalawa o ikatlong booster shot ng bakunang laban sa coronavirus disease-19.

‘Yun bang === kung hindi magpaturok ang mga ito, hindi na lang moderate o mild ang dadapo sa mga matatanda kundi severe na COVID-19.

Ginawa ang babala makaraang mabilis na lumalaganap ang pandemya sa Europa ngayon at hindi malayong umatake rin ito maging sa mga edad-60 pababa.

Ayon kay Marco Cavaleri, head of vaccines ng EU, noong Abril, ang mga 80 anyos lang ang sinasabihang magpa-booster shot.

Pero ngayon, sinasabihan na rin ang mga 60 anyos pataas na magpa-booster shot din.

BAKIT BOOSTER SHOT?

Booster shot ang tawag sa bakuna na pangatlo o pang-apat na bakuna matapos ang dalawang magkasunod na bakuna.

Kung sapat na ang isang bakuna gaya ng nagmumula sa Jansen vaccine, pangalawa o pangatlo naman ito.

Kinakailangan ang booster shot dahil 6-8 buwan makaraan ang dalawa o isang pagpapabakuna, sinasabing wala nang bisa ang mga naunang bakuna laban sa COVID-19.

Isa pa, kung BA.4 at BA.5 ang tatama sa isang biktima, mahina ang epekto maging ang mga malalakas na bakuna laban sa virus.

‘Yun bang === ang bakuna na may bisang 85-95 porsyento laban sa virus ay humigit-kumulang na lang na 50 porsyento laban sa virus na madalas ding hindi basta na nakakapa ng mga COVID test.

Hindi rin basta epektibo na panlaban sa BA.4 at BA.5 ang nalikha sa katawan natin na anti-COVID virus mula sa ating pagkakasakit dahil hindi nito matatapatan ang mga bago at maraming katangian ng nasabing mga bagong COVID variant.

SI PBBM TINAMAAN, TAYO PA KAYA?

Kung pagmamasdan ninyo ang ginagawa sa mga pinupuntahan ni Pangulong Bongbong Marcos, lahat isinasalang sa COVID test.

Ito’y para matiyak na walang makahahawa sa Pangulo mula sa ibang tao.

Pero tinamaan pa rin siya at ngayo’y naka-isolate o nakahiwalay sa kahit kanino, maging sa kanyang mga pamilya, guwardiya, empleyado at iba pa.

Tanging ang mga doktor at pinapayagang makipag-usap sa kanya na naka-personal protective equipment ang pupuwedeng lumapit sa kanya.

At sa internet, telepono at radyo na lang muna siya nakikipag-usap sa lahat ng dapat niyang kausapin ukol sa pamamahala sa pamahalaan at paglilingkod-bayan.

Hindi dapat mangyari ito sa kahit kanino dahil maraming bagay ang mawawala sa atin, kasama na ang kalusugan at buhay o kaya’y mga paghahanapbuhay, pag-aaral, pamamasyal at iba pang mahahalagang bagay.

MAGPABAKUNA, MAGPA-BOOSTER SHOT DIN

Milyon-milyon pa ang hindi nababakunahang Pinoy dahil mahigit 70 milyon pa lang mula sa 110 milyon ang nababakunahan.

Alalahanin na pangunahing tinatamaan ang mga walang bakuna at ang matatanda na mahihina ang katawan, kahit bakunado, kung tamaan ay gayun na lamang.

Mula rito, dapat tayong magpabakuna o magpa-booster shot para maligtas mula sa kapahamakan.