COVID booster rate sa Pinas nasa 21% lang – DOH

COVID booster rate sa Pinas nasa 21% lang – DOH

September 7, 2022 @ 7:00 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippies- Aabot lamang sa 21.76 porsyento o nasa 17 milyon ng target population ang nabakunahan ng booster vaccine para sa COVID-19, ayon sa Department of Health (DOH).

Sa isinagawang briefing ng House Committee on Health, sinabi ni DOH Epidemiology Bureau Chief Dr Alethea de Guzman na maliit ang booster dose accomplishment sa bansa samantala nasa 72 milyon ng mga Filipino o nasa 92.31% ng target population ang fully vaccinated.

Ipinaliwanag ni De Guzman sa mga mambabatas na ilan sa mga dahilan kung bakit hindi nagpapabooster ang mga Filipino ay una, overconfident na ito sa proteksyon ng primary series o sa unang dalawang bakuna at kuntento na sa isinasagawang preventive measures gaya ng pagsusuot ng face mask at paghuhugas ng kamay; ikalawa ay takot dahil nakaranas ng side effects sa unang bakuna ng primary series; ikatlo ay nangangamba sa gastos kapag nakaranas ng side effects sa bakuna at ikaapat ay may pakiramdam na hindi na kailangan ang booster shots dahil hindi requirement sa trabaho o sa paaralan.

Sinabi ni Health Secretary Rosario Vergeire na gumagawa na ng paraan ang DOH para pataasin ang bilang ng mga nagpapa-booster.

Aniya, sa September 26 hanggang September 30 ay ikakasa ng DOH ang PinasLakas vaccination program na ang target ay mga senior citizen at mga wala pang first booster dose.

Nasa 23 milyon sa 40 milyong booster eligible population ang target ng DOH na mabigyan ng booster sa unang 100 araw ng Marcos administration.

Inamin ni Vergeire na inatasan na rin ni Pangulong Bongbong Marcos ang DOH na magbigay ng insentibo sa Local Government Units upang mapalakas ang kanilang vaccination drive at upang ipatupad ito ay lumiham na ang DOH sa Department of Budget and Management na magkaroon ng realignment ng budget para sa nasabing insentibo. Gail Mendoza