COVID case sa Muntinlupa, 3 na lang

COVID case sa Muntinlupa, 3 na lang

April 4, 2022 @ 11:48 AM 3 months ago


MANILA, Philippines- Unti-unti nang nababawasan ang bilang ng kaso ng coronavirus disease (COVID-19) sa Muntinlupa City kung saan nakapagtala na lamang ito ng pinakamababang bilang na tatlong kaso mula nang mag-umpisang kumalat ang pandemya sa lungsod.

Sa datos ng City Health Office (CHO) ng Abril 2 ay nakapagtala ang lungsod ng kabuuang 39,907 kumpirmadong kaso kung saan 39,290 pasyente ang mga nakarecover habang 614 naman ang mga namatay sa virus.

Iniulat din ng CHO na pito sa siyam na barangay sa lungsod ay kasalukuyang COVID-19 free na rin na kinabibilangan ng mga barangay ng Tunasan, Poblacion, Putatan, Bayanan, Ayala-Alabang, Buli and Sucat.

Ang dalawang barangay na may natitira na lamang na kaso ng COVID-19 ay ang Barangay Alabang na mayroong dalawang kaso at isa naman sa Barangay Cupang.

Kasabay nito ay pinaalalahanan naman ni Muntinlupa City Mayor Jaime Fresnedi ang mga residente na huwag magpakakampante dahil andiyan  lamang sa tabi-tabi ang hindi nakikitang virus at ipagpatuloy na lamang na sundin ang minimum public health standards tulad ng tamang pagsusuot ng face masks at physical distancing.

Hinikayat din ni Fresnedi ang mga residente na magpaturok na ng kanilang booster shots para sa karagdagang proteksyon laban sa COVID-19.

Ang mga residente ay maaaring magparehistro sa online ng kanilang COVID-19 vaccination registration system sa www.vaccine.muntinlupacity.gov.ph/muncovac. James I. Catapusan