COVID case sa NCR pababa na; tumataas sa probinsya – OCTA

COVID case sa NCR pababa na; tumataas sa probinsya – OCTA

January 22, 2022 @ 11:14 AM 8 months ago


Manila, Philippines – Iginiit ng OCTA Research Group na bumababa na ang trend ng COVID-19 sa Metro Manila ngunit patuloy naman tumataas sa ilang probinsya.

Ayon kay OCTA fellow Dr. Guido David sa panayam ng ABS-CBN, nakita ang mataas na kaso ng COVID sa Cebu at Davao.

“Dumodoble na nga, nasa 780 cases na ’yung kahapon na tala sa Cebu city. ’Yung peak nila noong delta surge 300 lang, 330. Ngayon more than double na ng peak nila,” paliwanag ni David.

“Hindi pa ’yan ’yung peak nila. Pataas pa ’yung bilang ng kaso. Baka umabot pa sila ng mga 1,000 cases per day over the next, by next week siguro.”

Nilinaw rin ng eksperto ang kaibahan ng salitang pababa at mababa na.

 “Magkaibang word ’yun ah, ’yung ‘pababa’ at ‘mababa na’. Ang mababa na ay umabot natin, baka mga February pa ’yun, or even March.”

 “Sa ngayon, kung maging kampante tayo, baka mag-reverse pa ’yung trend. Baka tumaas pa, at baka bumalik pa ’yung mataas na bilang ng kaso,” paliwanag pa nito. RNT/FGDC