COVID cases sa 14 lugar tumaas – Duque

COVID cases sa 14 lugar tumaas – Duque

April 19, 2022 @ 7:17 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Iniulat ng Department of Health na naobserbahan nila ang pagtaas ng bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa 14 na lugar na nasa ilalim ng Alert Level 1, ulat ni Health Secretary Francisco Duque kay Pangulong Rodrigo Duterte sa Talk to the People nitong Lunes ng gabi.

Ani Duque ito ay naobserbahan pagkatapos ng Catholic observance of Holy Week, sa gitna ng banal na buwan ng Ramadan ng mga Muslim, at ang patuloy na kampanya ng Eleksyon 2022.

“Nakakita na naman tayo ng dahan-dahan na pagtaas ng mga kaso sa 14 na mga lugar under Alert Level 1,” ani Duque.

Hindi naman binanggit ni Duque ang 14 na lugar pero kabilang dito ang mga rehiyon na nakapagtala ng matataas na kaso ng COVID tulad ng National Capital Region na may 606; Rehiyon 4A, 226; at Rehiyon 3, 181, at mga lugar na Cavite na may 101; Maynila, 92; at Quezon City, 82.

Mayroong 170 bagong kaso na iniulat noong Lunes, ang pinakamababang daily tally ngayong taon at ang pinakamababa mula noong Disyembre 21.

Ang mga aktibong kaso ng bansa ay bumaba pa sa 19,923, kung saan nasa 3,683,211 ang kabuuang bilang ng nahawaan ng COVID.

Ipinapakita rin ng data na nakapagtala ngayo ng 664 na malubha at kritikal na mga kaso at kasalukuyang na-admit sa mga ospital dahil sa COVID-19.

Sa 2,842 intensive care unit (ICU) beds, 450 o 15.8% ang okupado. Samantala, 4,164 o 16.9% ng 24,645 non-ICU COVID-19 bed ang nagamit. RNT