COVID cases sa Pasay, 7 na lang

COVID cases sa Pasay, 7 na lang

December 9, 2021 @ 9:14 AM 1 month ago


MANILA, Philippines  -Nakamit na ng lokal na pamahalaan ng Pasay ang pinamimithing pagkakaroon ng single-digit na kaso ng coronavirus disease o COVID-19 bago dumating ang araw ng Pasko matapos makapagtala ang lungsod ng 7 aktibong kaso ng virus nitong Miyerkules (Disyembre 8).

Sinabi ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano na base sa report na isinumite sa kanya ng City Health Office (CHO) nitong Disyembre 8, bukod sa single-digit na bilang ng kaso ng COVID-19 ay nakapagtala din ang lungsod ng mataas na 97.49 porsiyentong recovery rate kabilang ang 4 na bagong pasyenteng nakarecover na katumbas ng 21,500 indibidwal sa kabuuang 22,054 kumpirmadong kaso ng virus.

Wala namang bagong kasong naitala ang CHO habang simula noong Nobyembre 30 hanggang sa kasalukuyan ay walang naitatalang namatay sa virus at nananatili na lamang ito sa 547.

Sa kabuuang 201 barangay sa lungsod ay 6 na barangay na lamang ang may mga naitalang aktibong kaso ng COVID-19 na katumbas ng 2.98 porsiyento.

Sa natitirang 6 na barangay na may mga aktibong kaso pa ng COVID-19 ay ang Barangay 201 lamang ang nakapatala ng 2 kaso habang ang mga barangay ng 14, 95, 185, 190 at Barangay 194 ay mayroon na lamang tig-isang kaso ng virus.

Ayon kay Calixto-Rubiano, ang pagbaba ng kaso ng virus sa lungsod ay dahil na rin sa dedikasyon ng mga doctor, nurses at health workers sa pag-aalaga ng mga pasyente na nagpositibo sa COVID-19.

Nanawagan naman si Calixto-Rubiano sa mga residente na ipagpatuloy ang pagsunod sa ipinatutupad na basic health protocols para sa kanilang proteksyon laban sa virus.

Dagdag pa ni Calixto-Rubiano na matapos makamit ng lungsod ang single-digit na kaso ng COVID-19 ay muling umaasa ang lokal na pamahalaan na makamit naman nito ang zero COVID-19 case sa nalalapit na pagdiriwang ng Kapaskuhan. James I. Catapusan