COVID cases sa Pinas bumaba ng 34% ngayong Setyembre

COVID cases sa Pinas bumaba ng 34% ngayong Setyembre

October 1, 2022 @ 8:30 AM 2 months ago


MANILA, Philippines- Bumaba ng 34% ang bilang ng kaso ng COVID-19 na naitala ngayong Setyembre kumpara sa mga naitala noong Agosto, ayon na rin sa datos ng Department of Health.

Sa datos ng DOH, mayroong 69,442 COVID-19 cases na naitala noong Setyembre kumpara noong Agosto na may104,455 .

Sa daily average na 3,370 noong Agosto, ang bilang ay bumaba rin sa 2,315 noong Setyembre.

Ang bilang ng bagong kaso noong Setyembre ay ang pinakamababa sa loob ng tatlong buwan simula nang naitala ang kabuuang 13,883 at ang daily average na 463 noong Hunyo..

Noong Biyernes naitala ng DOH ang 2,489 na bagong kaso na nagdala sa active tally sa 29,118 mula 28,172 noong Huwebes.

Ito ang pangalawang araw na sunod na may mahigit 2,000 COVID-19 cases na naitala.

Base sa nakaraang dalawang linggo, ang National Capital Region (NCR) ay nanatiling rehiyon na may pinakamataas na kaso na may 13,991, sinundan ng Calabarzon na may 5,332, Central Luzon na may 2,830, Davao Region na may 1,306, at Western Visayas na may 757.

Tumaas din ang recovery tally sa bansa sa 3,855,975 na may 1,497 bagong gumaling sa virus.

Samantala, 31 bagong nasawi ang naitala rin na nagdala sa bansa ng death toll na 62,947.

Sinabi ng DOH na ang 7,245 beds ang okupado habang 21,362 ang bakante kung saan ang bed occupancy ay nanatili sa 25.3% nitong Miyerkules, Setyembre 28.

Halos 19,056 indibidwal ang nasuri habang 340 testing labs ang nagsumite ng kanilang datos sa DOH noong Huwebes, Setyembre 29. Jocelyn Tabangcura-Domenden