COVID ‘di magiging endemic kailanman – kilalang virologist

COVID ‘di magiging endemic kailanman – kilalang virologist

January 31, 2022 @ 11:30 AM 8 months ago


BANGKOK — Binutata ng kilalang virologist Dr Yong Poovorawan ang ideyang magiging endemic ang COVID-19 base sa pagtataya ng health authorities sa Thailand at buong mundo.

Sa post sa kanyang Facebook page, sinabi ni Yong na ang salitang endemic at COVID-19 ay madalas na ginagamit sa mga panahon ngayon.

Pero nilinaw niya na ang endemic ay nangangahulugan na isang sakit na nakokontrol sa isang area, tulad na lang ng Yellow Fever sa Africa o MERS sa Middle East.

Habang ang pandemic naman ay tumutukoy sa sakit na nararanasan sa buong mundo.

Ipinaliwanag niya na ang pagkalat ng coronavirus sa lahat ng mga bansa ay hindi makokontrol sa iisang lugar, kaya wala umano itong tsyansa na maging endemic.

Ang iba pang mga nakahahawang sakit na nakontrol ng bakuna tulad ng measles at diphtheria, ay hindi rin namang tinawag na endemic, aniya pa.

Sa kabila nito, sinabi niya na imbes tawaging endemic, ang COVID-19 ay makokontrol ‘di maglaon ng bakuna at ng natural immunity, dahilan para mabawasan ang nasasawi rito.

Sa huli, sinabi niya na ang COVID-19 ay magiging isang respiratory disease na matutunan nating mamuhay kasama ito, katulad na lang ng seasonal flu. RNT