COVID emergency sa US tatapusin na sa Mayo 11

COVID emergency sa US tatapusin na sa Mayo 11

January 31, 2023 @ 1:52 PM 2 months ago


UNITED STATES – Sinabi ni United States President Joe Biden nitong Lunes, Enero 30 na tatapusin na nila ang COVID-19 emergency declarations sa Mayo 11.

Ito ay makatapos ang tatlong taon na ang naturang bansa ay nasa ilalim ng mahigpit na mga restriksyon dahil sa pandemya.

Kung babalikan, noong 2020 ay inilagay ni dating Pangulong Donald Trump ang COVID-19 national emergency at public health emergency (PHE).

Pinalawig naman ito ni Biden sa kanyang pag-upo, kung saan milyon-milyong mga Amerikano ang nakatanggap ng libreng COVID testing, bakuna at treatments.

Sa pahayag naman ng Office of Management and Budget (OMB) ng White House, nakatakdang mapaso sa mga susunod na buwan at maaaring paliwigin hanggang Mayo 11 at tatapusin na ito.

“This wind-down would align with the Administration’s previous commitments to give at least 60 days’ notice prior to termination of the PHE,” pahayag ng OMB sa kanilang administration policy.

Sa ngayon, ang pamahalaan ng Estados Unidos ang nagbabayad sa mga bakuna kontra COVID-19, gamutan at testing ngunit sa oras na matapos na ang deklarasyon ng PHE, ililipat na ang gastusing ito sa mga private insurance at government health plans.

Kung ikukumpara noong mga nakaraang buwan, mas bumaba na ang kaso ng COVID-19 sa US bagama’t nakapagtatala pa rin ito ng mahigit 500 katao na araw-araw ay namamatay sa nasabing sakit. RNT/JGC