COVID hospital utilization rate tataas sa Agosto o Setyembre – DOH

COVID hospital utilization rate tataas sa Agosto o Setyembre – DOH

July 12, 2022 @ 2:37 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Nakikitaan ng pagtaas ng hospital utilization rate ang bansa sa katapusan ng Agosto o simula Setyembre dahil sa mga impeksyon sa Covid-19, ayon sa Department of Health nitong Martes.

Ipinaliwanag ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na batay sa mga projection, ang mga kaso ng COVID-19 sa buong bansa ay maaaring tumaas sa 1,800 hanggang 11,000 sa susunod na buwan kung hindi tataas ang booster uptake dahil ang wall of immunity ng ilang indibidwal ay bababa na.

Ito rin ay sa pagsasaalang-alang sa posibleng pagbabawas ng pagsunod sa minimum public health standard ng hanggang 25% at kung ang kasalukuyang mga pattern ng mobility ng publiko ay pananatilihin sa antas na ito.

Noong Hunyo, sinabi ni Vergeire na bumaba ng 21% ang pagsunod ng bansa sa minimum public health standards sa gitna ng patuloy na pagtaas ng mga impeksyon sa COVID-19.

Nagbabala si Vergeiren na sa 21% na pagbaba sa pagsunod sa health protocol, ang mga kaso ng COVID-19 sa buong bansa ay maaaring umabot sa 17,105 sa katapusan ng Hulyo.

Mula Hulyo 4 hanggang Hulyo 10, 2022, nakapagtala ang Pilipinas ng kabuuang 10,271 bagong kaso ng COVID-19 na humigit-kumulang 39% na mas mataas kaysa sa mga naiulat na kaso noong Hunyo 27 hanggang Hulyo 3.

Noong Lunes lamang, 1,660 bagong impeksyon sa COVID-19 ang naitala na nagdala sa aktibong caseload ng bansa sa 14,218.

Ang booster uptake ay nananatiling hamon para sa pambansang pamahalaan dahil 15.3 milyong indibidwal lamang ang nakatanggap ng kanilang mga booster shot.

Samantala, 71 milyong Pilipino na ang ganap na nabakunahan laban sa COVID-19. Jocelyn Tabangcura-Domenden