COVID positivity rate sa NCR, 12 pang lugar sa Luzon tumaas – OCTA

COVID positivity rate sa NCR, 12 pang lugar sa Luzon tumaas – OCTA

December 5, 2022 @ 10:00 AM 2 months ago


MANILA, Philippines- Tumaas pa sa 12.4% ang seven-day COVID-19 positivity rate sa National Capital Region (NCR), maging sa 12 pang lalawigan sa Luzon, ayon sa independent monitoring group na OCTA Research nitong Lunes.

Sa tweet  ni OCTA fellow Dr. Guido David, ang NCR positivity rate — o porsyento ng mga indibidwal na nagpopositibo sa COVID-19 sa kabuuang bilang ng mga indibidwal na sumailalim sa test — ay tumaas mula sa 11.1% noong Nobyembre 26 sa 12.4% nitong Dsiyembre 3.

Nakapagtala rin sa Bataan, Cagayan, Camarines Sur, Ilocos Norte, Ilocos Sur, Laguna, Nueva Ecija, Pampanga, Pangasinan, Quezon, Rizal, at Zambales ng pagtaas sa positivity rate sa parehong period.

Naitala sa Nueva Ecija ang pinakamataas na positivity rate sa Luzon na 39.1%, mula sa 32.9% noong Nobyembre 26. Sinundan ito ng Camarines Sur na may 38.8%, at Isabela na may 38.6%.

Bumababa naman ang positvity rate sa 10 probinsya sa Luzon: Albay, Batangas, Benguet, Bulacan, Cavite, Isabela, Kalinga, La Union, Mountain Province, at Tarlac.

Pinakamababa ang positivity rate sa Batangas na 5.2% nitong Disyembre 3, mula sa 5.4% noong Nobyembre 26.

Nakapagtala sa Pilipinas nitong Linggo ng 1,173 bagong COVID-19 cases — sa ikaapat na sunod na araw na nakapagtala ng mahigit 1,000 bagong kaso sa buong bansa. RNT/SA