COVID positivity rate sa NCR, 9 na probinsya tumaas

COVID positivity rate sa NCR, 9 na probinsya tumaas

November 28, 2022 @ 4:15 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Nakapagtala ng pagtaas sa COVID-19 positivity rate ang siyam na probinsya sa Luzon at Metro Manila ayon sa OCTA Research group.

Sa ulat, mula sa 22 lugar sa Luzon na sakop ng datos na inilabas ng grupo nitong Linggo, Nobyembre 27, pinakamataas ang naitalang paglobo sa positivity rate sa Ilocos Sur na mula sa 21.7% noong nakaraang linggo ay nasa 32.9% na.

Nangangahulugan ito na tatlo sa 10 katao na isinailalim sa COVID testing ay nagpopositibo.

Samantala, ang Benguet ay nakapagtala din ng pagtaas sa positivity rate mula 24.7% patungong 27% at ang Kalinga mula 15.9% na ngayon ay nasa 23.7% na.

Ang iba pang probinsya na tinukoy na may pagtaas sa mga nagpopositibo sa COVID-19 ay ang mga sumusunod:

La Union (from 20.7% to 22%)
Cagayan (from 14.4% to 18.2%), Pangasinan (from 13.2% to 16.5%)
Ilocos Norte (from 4.7% to 7.8%)
Bulacan (from 5.6% to 7.6%)
Batangas (from 5.1% to 5.4%).

Bagama’t ang Isabela ang may pinakamataas na positivity rate sa 44.4%, ang probinsya ay nakakita naman ng pagbaba dito dahil noong Nobyembre 19 ay nasa 49.4% ang nairehistro dito.

Samantala, umakyat din ang positivity rate ng COVID sa Metro Manila na mula sa 7.5% noong Nobyembre 19 ay nasa 11.1% na ito nitong Nobyembre 26.

Sa kabila nito, sinabi naman ni OCTA Research fellow Dr. Guido David na ang pagtaas sa kaso ng COVID-19 sa National Capital Region ay hindi dapat ipag-alala bagama’t ibinabala pa rin niya na maaaring katulad ito ng paglobo sa kaso ng sakit noong Hunyo. RNT/JGC