COVID positivity rate sa NCR bahagyang tumaas sa 2.1%

COVID positivity rate sa NCR bahagyang tumaas sa 2.1%

March 10, 2023 @ 2:31 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Bahagyang tumaas ang seven-day COVID-19 positivity rate sa Metro Manila mula 1.8% at naging 2.1% sa pagitan ng Marso 1 hanggang Marso 8, ayon sa Octa Research Group nitong Biyernes, Marso 10.

Sa kabila nito, nananatiling mababa ang nasabing bilang.

Ayon kay OCTA Research fellow Guido David, sa isang social media post, sinabi nito na bagama’t may naitalang pagtaas sa positivity rate, mas mababa na ito sa 5% na itinakdang threshold ng World Health Organization.

Nangangahulugan ito na kontrolado na ang pagkalat ng nasabing sakit.

Nauna nang sinabi ni Presidential adviser on COVID-19 Vince Dizon na plano nilang tuluyang tapusin ang pandemya ngayong Marso, o dalawang taon mula nang maitala ang kauna-unahang local transmission ng virus sa San Juan.

Sa kabila nito, nilinaw niyang ang transition sa “new normal” ay nakadepende pa rin sa implementasyon ng pamahalaan sa immunization program, na layong mas maabot pa ang malaking bahagi ng vulnerable population sa pagpapataas ng vaccination rate sa ilang rehiyon at pagkumbinsi sa iba na kumuha na rin ng booster shot.

Nitong Huwebes, Marso 9, nakapagtala ng 162 bagong kaso ng COVID-19 ang bansa. RNT/JGC