COVID positivity rate sa NCR sumirit sa 9.8%

COVID positivity rate sa NCR sumirit sa 9.8%

July 7, 2022 @ 9:26 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Nagsipagtaasan ang mga positivity rate sa COVID-19 sa National Capital Region at iba pang mga lalawigan, ayon sa pag-analisa sa datos ng OCTA Research Group.

Sinabi ni OCTA Research fellowDr. Guido David na ang positivity rate sa Metro Manila ay tumaas sa 9.8% noong Martes, Hulyo 5. Ito ay nasa 8.3% noong Sabado.

Sinabi ni David na ang mga sumusunod na lalawigan ay may positivity rate na mas mataas sa 10%—Antique (20.6%), Batangas (10.7%), Cavite (13.2%), Iloilo (10.1%), Laguna (17.3%), Pampanga (15%), at Rizal (16.5%).

Ang positivity rate ay tumutukoy sa porsyento ng mga taong nagpopositibo sa COVID-19 sa kabuuang bilang ng mga indibidwal na nasuri para rito.

Sinabi ng Department of Health (DOH) na tumaas sa 6.8% ang lingguhang COVID-19 positivity rate ng bansa, habang anim na rehiyon ang nagtala ng positivity rate na higit sa 5%.

Batay sa COVID-19 national situationer ng DOH na inilabas Martes ng gabi, naitala ng National Capital Region (NCR) ang pinakamataas na lingguhang positivity rate na 9.3% noong Hulyo 3.

Ang iba pang rehiyong na nakalampas sa 5% benchmark ng World Health Organization ay ang Calabarzon na may 8.4% weekly positivity rate, Western Visayas na may 7.1%, Mimaropa na may 6.4%, Cordillera Administrative Region na may 5.5%, at Central Luzon na may 5.4%.

Iniulat ng DOH na ang national case trend ay nagpakita ng “continuous increase” ng COVID-19 infections na may average na 1,103 kaso kada araw mula Hunyo 28 hanggang Hulyo 4, 2022.

Ang Pilipinas noong Miyerkules ay nag-ulat ng 1,198 bagong mga impeksyon sa COVID-19, na tumaas ang bilang sa buong bansa sa 3,711,268. RNT