COVID risk classification sa incoming travelers inalis na ng Pinas

COVID risk classification sa incoming travelers inalis na ng Pinas

January 28, 2022 @ 1:41 PM 8 months ago


Manila, Philippines – Suspendido na ang country classification sa Pilipinas mula Pebrero 1, 2022.

Tinutukoy rito ang green, yellow at red classification ng mga bansa, teritoryo at hurisdiksyon

Sinabi ni acting Presidential spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Nograles, base ito sa ipinalabas na IATF resolution No. 159.

Sa darating na Pebrero 10 naman ay bubuksan na ng Pilipinas ang pagpapasok sa mga dayuhan basta’t fully vaccinated at galing sa non visa required country.

Ani Nograles, for business purposes din dapat ang pakay ng pagpunta dito sa bansa ng mga kinauukulan habang pinapayagan na din ang for tourism purposes.

Maliban naman sa nakakumpleto na ng bakuna, dapat lang ding makapagpakita ng negative RT- PCR test result ang arriving passenger na kinuha 48 oras bago ito lumapag sa bansa.

Paglilinaw ni Nograles, para sa mga fully vaccinated na foreign at Filipino travellers saan mang bansa sila galing at papasok ng Pilipinas kailangan nilang magpakita ng valid negative RT-PCR test

Pinagtibay rin ng IATF na hindi na kailangan pang dumaan sa mandatory facility based quarantine ang mga ito at ang kailangan na lang ay mag- self monitor ng pitong araw.

Sinabi ni Nograles, para naman sa mga unvaccinated or partially vaccinated required na magpakita ng valid na negative RT-PCRT test.

Kailangan din aniya nilang sumailalim sa facility based quarantine hanggang sa mailabas ang negative result ng kanilang RT-PCR test sa ikalimang araw kungsaan kanilang tatapusin ang 14 days quarantine sa kanilang mga tahananan

Dahil dito ang entry, testing and quarantine protocols para sa lahat ng mga international arriving Filipino at mga foreign national ay papayagan na ngunit kailangan na sumunod sa mga ipinatutupad na health standards ng pamahalan.

Kailangan din aniya ng mga itong magreport sa Local Government Units (LGUs) sakaling makaramdam ng sintomas.

Samantala, iaanunsyo ng Malakanyang sa weekend ang bagong alert level system sa NCR at ibang lugar sa bansa.

Sa ngayon ay masusi pang pinag-aaralan ng IATF kung ano ang susunod na alert level sa ibat ibang lugar sa bansa.

Mariin pa rin aniyang binubusisi ng task force ang mga datus hinggil sa kung ibababa na sa Alert Level 2 ang NCR at iba pang lalawigan o hindi pa.

Bunsod nito,tiniyak naman ni Nograles na kanilang iaanunsyo ang bagong alert level ngayong darating na weekend.

Nauna nang sinabi ng Department of Transportation na kapag nailagay na sa Alert Level 2 ang kalakhang Maynila, ay otomatikong hindi narin ipatutupad ang no vaccine no ride policy. Kris Jose