COVID SA CHINA SANA ‘DI LULUNDAG SA PINAS

COVID SA CHINA SANA ‘DI LULUNDAG SA PINAS

December 27, 2022 @ 1:14 PM 1 month ago


KARAMBOLA ngayon sa bansang India na kadikit ng bansang China.

Sanhi ito ng paglobo ng mga kasong COVID-19 sa buong China at ng ulat na 18 porsyento ng buong populasyong 1.4 bilyon ng China ang tinamaan na ng COVID-19 sa unang 20 araw ng Disyembre 2022.

Heto ang mga hakbang ng India para makontrol nila ang pagpasok ng mga may COVID-19 hindi lamang galing sa China kundi galing na rin sa South Korea, Japan, Hong Kong at Thailand.

Una, lahat ng nanggagaling sa nasabing bansa ay dapat na maisalang sa reverse transcription polymerase chain reaction (rt-pcr) test bagama’t 2 porsyento lang ang isasalang pagdating nila sa mga airport.
Ikalawa, dapat lahat may mga suot na face mask.
Ikatlo, nagsasagawa na ang mga estado sa India ng mga ehersisyo o mock drill sa mga ospital sakaling daragsa ang mga pasyente.
Ikaapat, may video-conferencing sa lahat ng mga doktor at iba pang mga medical professional para maging handa ang lahat ng ito.
Ikalima, may malawakang panawagan sa lahat ng Indian na mag-ingat upang hindi mahawa at makahawa.
Lahat ginagawa ang mga ito bilang paghahanda dahil maraming Bumbay na ang umuuwi mula sa China na natagpuan nang positibo sa COVID-19, partikular ang BF.7 na anak ng Omicron variant na BA.5 at siyang pangunahing virus na nananalasa sa China ngayon.

ANO ANG BF.7?

Nitong Oktubre 2022 pa nagsimulang makilala ag BF.7 at meron na nito sa United States, Britain at iba pang mga bansa, kasama ang Pilipinas.

Kaya lang, sa China lang ngayon higit na nagpapakita ng bagsik hindi lang sa pagkakaroon ng mabilisan at maramihang nagkakasakit at pag-apaw ng mga ospital ng mga may COVID-19 kundi sa dumaraming namamatay na rin, batay sa pagdami ng mga itinatakbo palabas ng mga ospital patungo sa mga sunugan ng bangkay o cremation.

Ang BF.7 ay sinasabing grabe ang bilis sa hawaan dahil mula sa 10 hanggang 18 katao ang nahahawaan ng isang meron nito.

Nasa 4.4 beses na hindi tinatablan ng anomang bakuna ang meron nito kumpara sa orig na Wuhan virus.

At ito ang mga sintomas: Lagnat, pangangati ng lalamunan, tumutulong sipon, pag-ubo, pagsusuka at pagtatae.

Sabi nila, kung meron tayo ng nasabing mga sintomas, aba, magpa-tsekap na tayo.

Mahirap nang maospital at saka masunog sa kalaunan.

MGA HAKBANG SA PINAS

Kung merong mga hakbang ang India laban sa BF.7 virus dahil sa takot nilang salakayin sila nito mula sa China na kapitbahay lamang nila, ano naman kaya ang mga hakbang meron tayo sa Pinas?

Kung iisipin, alam na ng lahat ang mga sinasabing protocol laban sa pandemya pero sana huwag nating tularan ang iba na nagpoprotesta kung maghigpit ang pamahalaan.

Sa China, dalawang linggo silang nagprotesta laban sa lockdown at ngayong sinibak ang mga lockdown ng gobyerno, sinasalakay na sila ng katakot-takot na virus.