COVID sa usa, posibleng pagmulan ng bagong variant – siyentipiko

COVID sa usa, posibleng pagmulan ng bagong variant – siyentipiko

February 10, 2022 @ 9:08 AM 8 months ago


MANILA, Philippines – Nagresulta ng pagkabahala ang pagkakatuklas ng Omicron variant sa isang white-tailed deer sa New York.

Napag-alaman na nasa 30 milyon ang bilang ng nasabing hayop sa US, at pinalulutang din ang posibilidad na maging host ang mga ito para sa pag-usbong ng  isang bagong coronavirus strain, ayon sa mga mananaliksik.

Lumabas sa sinuring blood at nasal swab sample sa 131 usa sa Staten Island ng New York na halos 15% ay may mga antibodies sa virus. Nangangahulugan ito na dati nang nahawaan ang mga hayop at posible pa muling mahawaan ng mga bagong variant, ayon sa mga siyentipiko ng Pennsylvania State University.

“Circulation of the virus in an animal population always raises the possibility of getting back to humans, but more importantly it provides more opportunities for the virus to evolve into novel variants,” ani Suresh Kuchipudi, isang Penn State veterinary microbiologist.

“When the virus completely mutates, then it can escape the protection of the current vaccine. So we’d have to change the vaccine again,” ani Kuchipudi.

Ang pagtuklas – sa unang pagkakataon na natukoy ang Omicron sa isang wild animal – ay kasabay ng = pagdami ng mga impeksyon ng COVID-19 na dulot ng variant sa U.S.

Bagama’t walang katibayan na ang mga hayop ay nakapagpapakalat ng virus sa mga tao, karamihan sa mga impeksyon sa coronavirus ay naiulat sa mga species na may malapit na pakikipag-ugnayan sa isang taong may COVID-19, ayon sa U.S. Department of Agriculture.

Noong Agosto, sinabi ng gobyerno ng U.S. na natagpuan nito ang mga unang kaso ng COVID-19 sa mundo sa ligaw na usa sa Ohio.

Ang pananaliksik ay batay sa mga sample na nakolekta mula sa mga usa ilang buwan bago umusbong ang Omicron at palitan ang Delta variant bilang dominanteng variant sa buong mundo.

Nauna nang naiulat ng USDA ang COVID-19 sa mga hayop kabilang ang mga aso, pusa, tigre, leon, snow leopards, otters, gorilya at mink. RNT