COVID situation sa China, kontrolado na – PH envoy

COVID situation sa China, kontrolado na – PH envoy

January 4, 2023 @ 1:26 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Kontrolado na at unti-unti nang nagbabalik sa normal ang sitwasyon ng COVID-19 sa China.

Ito ang sinabi ni Philippine Ambassador Jaime Florcruz nitong Miyerkules, Enero 4 bago ang serye ng bilateral meetings ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa nasabing bansa.

“Mukha namang under control,” tugon ni Florcruz nang tanungin kung kamusta na ang sitwasyon ng COVID cases sa China.

“Napansin ko kagabi sa traffic along the way mula sa airport, ang daming kotse so mukhang nagnonormalize na. Parang nagpeak na yung spread at nagbabalikan na yung tao sa labas,” dagdag pa niya.

Matatandaan na itinalaga ni Marcos si Florcruz bilang ambassador to China noong Nobyembre 2022 at naghihintay na lamang kung ilan ang mga Filipino sa nasabing bansa na tinamaan ng virus.

Sa pagdalaw ng Pangulo ay inanunsyo na hindi na muna ito makikipagkita sa Filipino community doon bilang pag-iingat na rin.

“Disappointed din sila at kahit papaano sana ay makibahagi sila sa bisitang ito,” ani Florcruz.

“Special po ang sitwasyon natin. Naiintindihan nila na maiksi lang ang bisita, maraming mga protocols na kailangang sundin kaya naiintindihan naman ng ating komunidad dito,” sinabi pa niya.

Nagpaalala naman ang Philippine Ambassador sa Filipino community sa China na palaging sumunod sa ipinatutupad na health protocols upang hindi tamaan ng virus.

“Advised pa rin sila na magmask at kung may symptoms, magstay home. Huwag unnecessarily pupunta sa ospital lahat unless severe symptoms lang,” aniya. RNT/JGC