COVID surge tuloy; mababang kaso nitong Martes, ipinaliwanag ni Duque

COVID surge tuloy; mababang kaso nitong Martes, ipinaliwanag ni Duque

January 12, 2022 @ 12:41 PM 7 months ago


MANILA, Philippines – Sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na hindi pa nakikitaan ng pagbaba ng mga kaso ng COVID-19 sa Pilipinas at ang mas mababang bilang ng impeksyon na naitala nitong Martes ay dahil sa mababang testing output.

Paliwanag ni Duque sa Kapihan sa Manila Bay, galing ang output sa ginawang testing noong Linggo kung saan karaniwang mababa ang testing output dahil sarado ang ilang mga laboratoryo at karamihan din ay nag-isolate dahil may symptoms habang ang iba naman ay na-quarantine dahil na-expose Kaya hindi niya Ito indikasyon na ang peak ay tapos na.

“We might still be in the acceleration phase of our surge but we pray, we are doing our best to hopefully contain this the soonest possible time and then magdecelerate na kaagad, like what happened in South Africa, mabilis tumaas, mabilis bumaba. Four weeks lang ‘yun,” ayon sa kalihim.

Kinumpirma rin ng kalihim na naobserbahan ang pagsirit ng kaso sa mga rehiyon sa labas ng Metro Manila.

Hinimok Naman nito ang mga lokal na opisyal na paigtingin ang proseso ng pagbabakuna sa kani-kanilang mga lugar, idinagdag na ang mga protocol sa kalusugan at kaligtasan ay dapat palaging sundin.

Kabilang rito ang Regions IV-A, III, at ngayon ay Region I at II kaya naman umapela ito sa mga regional directors ng DOH , DILG, LGUs sa nasabing mga lugar upang palakasin, mas agresibo, ang kanilang pagbabakuna sa kanilang mga mamamayan.

Maari pa rin aniyang dahil sa Omicron variant ang pagtaas ng kaso sa mga rehiyon na sinasabing na mas nakakahawa , gayunman,may ibang kadahilanan pa rin ang pagtaas ng kaso tulad ng holiday season kung saan nagtipon -tipon ang mga tao.

“Yeah, well it’s possible that Omicron… because ang naidentify ng ating epidemiology bureau, we have… sabagay NCR ang pinakamarami pa rin, 19 cases and then ten from returning overseas Filipinos but we have about 19 local cases and I think mayroon tayo sa Region V, sa NCR and I forget the other regions,” pahayag pa ng kalihim.

Nitong Martesay nakapagtala ng 28,007 kaso Kung saan may kabuuan nang 3,026,473 COVID case sa bansa.

Nanguna pa rin ang National Capital Region sa may pinakamaraming naitalang kaso na umabot sa (15,256 o 55%), Region 4-A (5,861 o 21%) at Region 3 (3,064 o 11%).

Nauna rito, sinabi ng DOH na maaaring ipagpalagay na mayroon nang local transmission ng Omicron sa bansa. Jocelyn Tabangcura-Domenden