COVID transmission sa mga paaralan, tinalakay ng DOH, DepEd

COVID transmission sa mga paaralan, tinalakay ng DOH, DepEd

October 4, 2022 @ 6:40 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Sinabi ni DOH-OIC Maria Rosario Vergeire na nakikipag-usap na ang ahensya sa Department of Education o DepEd ukol sa umano’y COVID-19 transmission sa mga eskwelahan simula nang magbalik ang face-to-face classes.

Ayon kay Vergeire, nakipag-usap sila sa DepEd upang mapagsama-sama at mapag-isa ang datos dahil ang kanila aniyang reporting ay hindi pa rin kumpleto sa ngayon.

“Inaayos po pa nila yung reporting nila– so yung kanilang numero or statistics that they have right now is under reported,” sabi pa ni Vergeire sa press briefing.

Dagdag pa niya, binabase ng DOH base sa kanilang talaan kung saan nakikita, kung ilan na ang nagkakasakit sa mga age group ng mga bata.

“Sa ngayon wala pa ho tayong maibigay na accurate na number  hindi po tayo magpapalabas hanggang hindi po natin hina-harmonize with DepEd ang ating mga statistics,” sabi pa ni Vergeire.

Inaasahan na rin naman aniya na nariyan lang ang mga kaso bagama’t hindi naman malubha ang sakit ng mga kabataan.

“Mayroon pong transmission na nangyayari pero napuputol naman po agad because our surveillance or safety officers in school–so namomonitor agad nila and as soon as they identify a patient or a learner na may sakit ay pinapauwi at nirerefer sa kanilang local government units para ma-manage na at minomonitor ang close contacts.”

Muli namang hinikayat ni Vergeire ang mga magulang na pabakunahan na ang kanilang mga anak dahil ang pangunahin pa rin aniyang panlaban ng mga estudyante laban sa naturang sakit ay ang bakuna. Jocelyn Tabangcura-Domenden