COVID vaccination mas paigtingin sa BQ.1 detection sa bansa – Solante

COVID vaccination mas paigtingin sa BQ.1 detection sa bansa – Solante

November 27, 2022 @ 9:31 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Ito na ang panahon na dapat pang palakasin ang pagbabakuna kontra COVID-19 kung saan natuklasan na sa bansa ang BQ.1 subvariant ng Omicron.

“This sub-variant is a sub-variant ng BA.5. Ang BA.5 ito ‘yung dominant variant for the past several months, nanganganak ulit siya ng another variant na mas nakakahawa,” sinabi ni Dr. Rontgene Solante, infectious disease expert nitong Sabado, Nobyembre 26.

“So which means mataas talaga ang risk na maski bakunado ka and more sa walang bakuna, na makapitan ng infection,” dagdag pa niya.

Kasunod nito ay nagbabala din siya sa mga immunocompromised individuals na dapat ay mas maging maingat sa banta ng bagong subvariant.

Nabanggit din ni Solante ang usapin sa mga nasayang at nasirang bakuna na maaaring dahil na rin sa mga taong ayaw nang magpabakuna kontra COVID-19.

“Kailangan pa rin natin i-encourage kasi kung kulang tayo sa booster, mataas ang risk na itong mga mutation talagang magbabago na naman. Tataas na naman ang mga kaso at mao-ospital ang mga vulnerable population,” giit niya.

Kaugnay naman ng pagpasok ng BQ.1 subvariant, dapat na rin umanong asahan ng publiko na magkakaroon na naman ng pagtaas sa kaso ng COVID-19.

Dahil dito ay kailangan ang bivalent vaccines na makatutulong upang maprotektahan ang publiko.

Samantala, nauna nang sinabi ng Department of Health na pinaghahandaan na nila ang pagkalat ng nasabing subvariant. RNT/JGC