COVID vaccination sa 5-11 anyos kasado na sa Pebrero 4

COVID vaccination sa 5-11 anyos kasado na sa Pebrero 4

January 25, 2022 @ 9:14 AM 8 months ago


MANILA, Philippines – Sisimulan na ng pamahalaan ang pagtuturok ng COVID-19 vaccine sa mga kabataan na edad lima hanggang 11 sa Pebrero 4, 2022.

“We are already prepared in the vaccination of 5 to 11 years old,” ito ang iniulat ni National Task Force (NTF) Against Covid-19 chief implementer, Secretary Carlito Galvez Jr., kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa Talk to the People ng huli, Lunes ng gabi.

Sinabi ni Galvez na magpapalabas ang gobyerno ng memorandum guidance ngayong linggo, mayroong town hall meetings mula Enero 24 hanggang 28, para sa rollout ng pediatric vaccination sa ilalim ng 5-11 years old age bracket.

“The formulated low-dosing Pfizer Covid-19 vaccine to be used for the younger population will tentatively arrive on February 2,” ayon kay Galvez.

Aniya pa , ang pediatric vaccination para sa age bracket ay iro-rolled out sa two phases o dalawang bahagi.

Para sa first phase, Ang pilot run ay isasagawa sa isang hospital-based at isang local government unit (LGU)-based vaccination site kada lungsod, sa loob ng National Capital Region (NCR).

Matapos ang isang linggo, palalawigin ito sa nalalabing inoculation sites sa Kalakhang Maynila at iba pang rehiyon, para sa second phase.

“We will open the hospital and non-hospital vaccination site and we will expand the sites further to other regions after one week. Again, we will open our vaccination rollout on February 4,” ang pahayag ni Galvez.

Makikita sa pinakahuling data mula sa NTF na may 7,246,430 adolescents, o kabataan na may edad na 12 hanggang 17, ang fully protected laban sa nasabing sakit.

Inaasahan naman ng pamahalaan na makapagbabakuna ng mahigit sa 39.41 milyon na ang edad ay mula “zero to 17 years old.” Kris Jose