COVID vaccination sa mga edad 5 pababa, malapit na – VEP

COVID vaccination sa mga edad 5 pababa, malapit na – VEP

June 15, 2022 @ 6:45 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Target ng Vaccine Expert Panel na masimulan na rin sa pagbabakuna sa mga batang edad limang taong gulang at pababa matapos na ihayag ng US Food and Drug Administration na ligtas at epektibo ang COVID-19 vaccine ng Pfizer para sa nasabing age group.

Ayon kay Dr. Nina Gloriani, oras na masimulan ang pagbabakuna sa mga batang edad 5-taong gulang pababa ay makukumpleto na ang immunization coverage ng bansa.

Pero aniya, kinakailangan pa rin nilang humingi ng advice ng pediatricians sa kung sino ang kwalipikadong makatanggap ng bakuna.

“Normally, we’re looking at more healthy children. Pero sa totoo lang, ang [mas] binibigyan din natin ng bakuna against COVID-19 ay iyong mga may sakit, kasi sila iyong mas makaka-experience ng more severe form of COVID-19,” ani Gloriani sa isang televised briefing.

Samantala, maaari namang tumagal ng tatlo hanggang apat na buwan ang evaluation ng Philippine Food and Drug Administration at ng mga local experts habang mas matagal ang magiging procurement process.

“Sa experience namin, iyong evaluation process upon application takes – kasi mayroon tayong forty days ‘no – pero that takes longer kapag medyo kulang iyong mga datos na naibibigay,” saad niya.

“Pero isipin natin na mayroon pang second layer ng approval. Iyan po iyong sa DOH-HTAC. Kasi kung bibilhin ng gobyerno iyong bakuna, kailangan pong dumaan sa HTAC. Tapos iyong procurement process. So baka mga six months,” dagdag pa niya.

Sa ngayon, wala pang vaccine manufacturer ang nag-a-apply para sa kanilang emergeny use authorization para sa mga batang edad 5-taong gulang pababa sa Pilipinas.

Samantala, ayon kay Gloriano, isang vaccine manufacturer naman ang nagsumite na ng aplikasyon para sa kanilang booster shots na gagamitin para sa mga higit 6 years old.

“Medyo natatagalan sa evaluation. Pero iyong iba na hinihintay natin sana, iyong major players ay hindi pa. Sana ay mag-apply na rin sila,” aniya.

As of June 9, nasa 2.9 million na mga batang edad 5 hanggang 11 taong gulang na ang fully vaccinated habang halos 9.5 million mga kabataang 11 to 17 years old na rin ang kumpleto sa bakuna kontra COVID-19. RNT/ JCM