COVID vaccination sa private firms, dapat libre – DOLE

COVID vaccination sa private firms, dapat libre – DOLE

March 13, 2021 @ 4:50 PM 1 year ago


Manila, Philippines – Wala dapat mangyaring singilan sa pagpapabakuna laban sa COVID-19 o diskriminasyon kung sakaling hindi magpaturok ang isang empleyado, batay sa Department of Labor and Employment.

Sa Labor Advisory No. 3 Series of 2021 ng DOLE, itinakda ang guidelines sa private sector na libreng mabakunahan ang kanilang empleyado laban sa COVID-19.

Sa nilagdaang guideline ni Labor Secretary Silvestre Bello III, maaaring bumili ang mga kompanya ng COVID-19 vaccines, supplies, at iba pang serbisyo.

“No cost of vaccination in the workplace shall be charged against or passed on, directly or indirectly to the employees,” saad pa sa kalatas.

“Any employee who refuses or fails to be vaccinated shall not be discriminated against in the terms of tenure, promotion, training, pay, and other benefits, among others, or terminated from employment,” lahad ng DOLE.

 “Ang sinasabi i-encourage na mapabakunahan ang empleyado pero kung hindi ho sila papayag hindi po ito basehan ng termination, promotion, at iba pa nga hindi papasukin sa loob ng kompanya. Discriminatory na po iyan, hindi po ‘yan sang-ayon sa mga issuance ng DOLE,” pahayag naman ni Labor Undersecretary Maria Teresita Cucueco sa live briefing. RNT/FGDC