COVID vaccine binubuga na lang sa bunganga

COVID vaccine binubuga na lang sa bunganga

October 27, 2022 @ 9:37 AM 1 month ago


BEIJING – Nagsimula nang hindi gagamit ng karayom ang bansang China sa pagbabakuna laban sa coronavirus disease-19.

Sa halip, ibinubuga na lang sa loob ng bunganga ang oral COVID vaccine at natatapos ito sa loob ng 20 segundo.

Kauna-unahan umano sa mundo ang sistemang ito ng pagbabakuna.

Ginawa ang bagong sistema ng pagbabakuna ng Cansino Biologics Inc. at isinagawa ang mga testing dito sa mga bansang China, Hungary, Pakistan, Malaysia, Argentina at Mexico na naging matagumpay umano.

Sa pagsasagawa bakuna, nganganga lang ang tao saka ibuga ang bakuna sa loob ng kanyang bunganga at lalamunan.

Pagkatapos nito, sa paghinga ng nabakunahan, malalasahan nito ang tamis ng bakuna.

Paliwanag ng mga eksperto, kayang patayin ng bakuna ang virus sa lalamunan pa lamang at maging sa ilong at mahaharang na rin ang virus na papasok sa baga o katawan ng tao.

Ginagamit na ngayon ang sistemang ito sa China at makatutulong ito nang husto para kumbinsihin ang mga Chinese na magpabakuna at maiwasan na rin ang takot sa pagpapabakuna gamit ang karayom na karaniwang may kasamang sakit at pananakit sa natusok na bahagi ng katawan. RNT/FC