COVID vax drive sa pharmacies magtuturok ng 100 dose kada site sa isang araw — gov’t adviser

COVID vax drive sa pharmacies magtuturok ng 100 dose kada site sa isang araw — gov’t adviser

January 20, 2022 @ 12:20 PM 7 months ago


Manila, Philippines – Tinatayang 100 doses ng bakuna kada araw ang gagamitin sa pilot run ng “Resbakuna sa mga Botika” sa Kalakhang Maynila.

Sinabi ni National Task Force (NTF) Against COVID-19 medical adviser Dr. Ted Herbosa na itataas ang alokasyon kung maraming tao ang maga- avail ng vaccination program.

“About 100 sa bawat site. Yun po muna ang doses of vaccines na ibibigay, 50 to 100,” ani Herbosa.

Nakatakda naman ang roll out ng COVID-19 vaccines sa pitong pharmacy sa Kalakhang Maynila, araw ng Huwebes at Biyernes para payagan silang magbakuna sa gitna ng COVID-19 surge sa bansa.

Ayon kay Herbosa, tanging apat na pharmacies lamang ang magbubukas ng vaccination ngayong Huwebes, habang tatlong pharmacies naman ang magbubukas, araw ng Biyernes.

Habang tanging booster shots lamang ang ibibigay sa weeklong pilot run.

Nauna rito, sinabi ng Department of Health (DOH) na ang mga sumusunod na pharmacies at clinics sa Kalakhang Maynila ang magpapartisipa sa nasabing inisyatiba at ito ay ang:

  • Mercury Drug in Pres. Quirino Avenue, Malate, Manila

  • Southstar Drug in Marikina

  • Watsons in SM Supercenter Pasig

  • Generika Drugstore in Signal 1, Taguig

  • The Generics Pharmacy in Edison St. Sun Valley, Parañaque

  • QualiMed Clinic in McKinley Road, Makati

  • Healthway in Manila

Ayon sa NTF, ang lahat ng indibiduwal na may edad 18 pataas maliban sa senior citizens at indibiduwal na may comorbidities, ay maaaring makakuha na ng kanilang COVID-19 vaccine sa pamamagitan ng programa.

Sa kabilang dako, sinabi naman ni Deputy Chief Implementer Vince Dizon na pinapayagan ang walk-ins subalit kailangan pa rin ng mga itong mag-rehistro sa online.

“Ang aming plano ay araw-araw po once na magsimula ang isang botika ay tuloy-tuloy na yan. Araw-araw at tuloy-tuloy ang pag supply ng gobyerno,” ayon kay Dizon.

Samantala, sinabi ni Dizon na may pitong pharmacies at clinics ang magbibigay ng bakuna araw-araw mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon matapos ang initial rollout.

Pinaalalahanan din nito ang publiko na dalhin ang kanilang vaccination cards at maging ang kanilang valid government IDs.

“To avail a booster, dadalhin lang nila yung kanilang vaccination card na nagpapakita na bakunado na sila ng dalawang beses,” anito.

“As of January 16,” sinabi ni NTF na may kabuuang 55,195,486 Filipino ang fully vaccinated laban COVID-19. Kris Jose