COVID vax vs Omicron epektibo- UP expert

COVID vax vs Omicron epektibo- UP expert

December 5, 2021 @ 3:24 PM 10 months ago


MANILA, Philippines- Sinabi ng University of the Philippines COVID-19 Pandemic Response Team (UP PRT) nitong Linggo na makatutulong ang pagbabakuna ng primary doses ng vaccines at booster shots sa nakahahawang Omicron variant sakaling makapasok ito sa bansa.

Sa panayam sa dzBB, ipinaliwanag ni UP PRT spokesman Dr. Jomar Rabajante na kasalukuyan nilang binabantayan ang mga pag-aaral mula sa ibang bansa ukol sa Omicron variant ng coronavirus disease (COVID-19) na unang naiulat sa South Africa at itinuturing na variant of concern ng World Health Organization (WHO).

“Sa ibang bansa, kung titignan po natin, may mga nagsasabi talaga na highly transmissible itong Omicron at up to three times mas transmissible than Delta. Mabilis po talagang kumalat at ‘yung pagkalat niya kitang-kita sa South Africa. As in marami na talaga doong Omicron ang variant,” pahayag ni Rabajante.

Ayon pa kay Rabajante, makikita ang mas mataas na transmissibility ng Omicron kumpara sa Delta sa kaso sa South Africa na natuklasan lamang nitong Nobyembre,  ngunit nakaaapekto na sa maraming indibidwal makalipas ang isang buwan. Habang sa kaso umano ng Delta variant, lumipas muna ang ilang buwan bago kumalat nang tuluyan ang variant sa ibang bansa.

Subalit iginiit niya na mayroong ilang mga eksperto ang nagsabi na mild lamang ang mga kasong ito, at kasalukuyan pang pinag-aaralan ng WHO.

“Ang sure po tayo rito, kahit may Omicron, makakatulong kung bakunado ka na. We just don’t know kung bababa ba ‘yung probability na mild lang o baka maging severe. Pero ang sinasabi ng marami, makakatulong ‘yung mga bakuna natin ngayon kung darating ang Omicron dito,” aniya.

“Habang wala tayong information, ingat at tuloy-tuloy dapat ‘yung bakuna. At tsaka, kung meron tayong opportunity na pinayagan na tayong magpa-booster shot, mas maganda po ‘yon kasi at least kapag dumating ‘yung Omicron dito, mas meron tayong immunity,” giit ni Rabajante. RNT/SA