COVID VIRUS SA CHINA IMPORTANTENG MALAMAN

COVID VIRUS SA CHINA IMPORTANTENG MALAMAN

January 18, 2023 @ 10:25 AM 1 week ago


HANGGANG ngayon, lumalabas na wala pang gaanong nakakaalam o walang sinomang nakababatid kung anong uri ang virus ng COVID-19 na malaganap at nakamamatay sa China.

Sa Pilipinas at ibang mga bansa kasi, mga brad, iniuulat ang mga uri ng virus upang malaman kung anong bakuna o gamot ang dapat gamitin laban dito.

Maliwanag kasi na kung hindi malalaman ang mga uri ng virus, alanganin din ang pag-iiniksyon o paggamit ng mga bakuna at gamot laban sa mga ito.

Dapat maging epektibo ang bakuna at gamot laban sa virus at hindi delikado sa katawan at buhay ng tatanggap ng bakuna at gamot.

Ang World Health Organization ang nangunguna sa paghiling sa pamahalaang China na maglabas ng datos ukol sa mga uri ng virus na malaganap sa teritoryo nito.

Kakambal nito ang pagtatapat ng China na simula noong Disyembre 8, 2022 hanggang Enero 12, 2023, may namatay nang nasa 60,000 sa COVID.

Ayon sa WHO, hindi sapat ang pagbibigay ng datos ng mga patay at dapat na malaman din kung anong uri ng virus ang nananalasa para sa kaukulang aksyon.

Magandang suportahan natin ang aksyon ng WHO lalo ngayong pinayagan na ng China ang mga mamamayan nito na mamasyal sa iba’t ibang bansa at nagsimula na ring tumanggap ito ng mga turista simula noong Enero 8, 2023.

Dapat talaga nating malaman ang mga uri ng virus sa China na maaaring darating sa Pilipinas sa pamamagitan ng mga Chinese tourist o mga Pinoy tourist na babalik sa bansa upang makagawa tayo ng mga kaukulang aksyon.

Maaari ring tularan natin ang Britain na nagsabing sila na ang gagawa ng pag-alam sa anomang virus na galing sa China sa pagsusuri sa mga nanggagaling sa China na Tsino o kababayan nila.