COVID19 PANDEMIC MALAPIT NANG MATAPOS AYON SA MGA EKSPERTO

COVID19 PANDEMIC MALAPIT NANG MATAPOS AYON SA MGA EKSPERTO

January 26, 2022 @ 9:02 AM 8 months ago


SA datos na inilabas ng Department of Health kaugnay sa COVID-19 nitong Enero 21, 2022 ay mataas pa rin na nasa 32,744 ang new cases, 291, 618 ang active cases, 16, 385 ang new recovered at 156 ang new deaths sa buong Pilipinas.

Datapwa’t sinasabi ng mga historian, sa kasaysayan ng mga naunang pandemya sa buong daigdig ay lahat ng ito ay tumagal lamang ng tatlong taon sa maximum.

Nagsimula ang COVID-19 pandemic sa katapusang ng 2019 at kumalat nang husto ng 2020 at nagkaroon ng iba’t ibang variants ng 2021 at kung susumahin ay nasa ikatlong taon na tayo ngayong 2022.

Tila magandang balita ito kung ibabase sa kasaysayan ng mga naunang pandemya sa buong mundo na umabot lang halos lahat ng tatlong taon sa maximum.

Magandang balita nga ito dahil ayon mismo kay Fr. Oscar Austriaco ng OCTA Research ay posible ngang abot-kamay na natin ang wakas ng pandemya dahil ayon sa mga pag-aaral ng eksperto sa buong mundo ay posibleng wala nang susunod na variant na hihigit pa sa tindi nitong latest variant na Omicron.

Sa kabilang banda, ayon naman sa mga siyentipiko sa buong mundo, nagkakaisa silang may tatlong senaryo ang maaaring mangyari sa COVID-19 pandemic sa buong mundo at ito ay ang mga sumusunod;

Una, ang pandemic ay magiging endemic na, ibig sabihin ito ay parang mild na sakit na sipon na lamang ngunit kailangan pa rin na magpabakuna ang vulnerable population.

Pangalawa, pangit na senaryo na kabaligtaran ng una at hindi ito magiging endemic at paulit-ulit na matatagalan pa.

Pangatlo, tuluyan ding hihina at mawawala ang COVID-19 pandemic gaya ng kasaysayan ng mga naunang pandemya sa buong mundo na natapos din naman.

Maaaring magkaroon o makatuklas pa ng bakunang panlaban sa omicron variant ayon pa kay Fr. Oscar Austriaco. Pinaniniwalaan rin niya na ang omicron variant ang tatapos sa COVID-19 pandemic at blessing in disguise ito.

Ayon pa sa OCTA Research, ay ang trend ng mga kaso sa National Capital Region ay pababa at mas bumabagal pa ang hawahan.

Kaya naman ang isa pang magandang balita ay malamang na mas mababa na ang mga kaso pagsapit ng Valentines’ Day.

Idinagdag pa ng OCTA Research na by the end of the month of January 2022 or first week of the month of February ay posibleng nasa 2,000 to 3,000 na lamang ang kaso sa NCR per day.

Pagsapit umano ng Valentine’s Day ay posibleng less than 1,000 na lang ang kaso sa NCR at sa katapusan ng Pebrero ay maaaring less than 500 cases na lang mayroon sa NCR.

Hari nawang mangyari ang mga balitang ito ng OCTA Research.

Kaya naman para mangyari ito, patuloy pa rin tayong mag-doble-ingat at istriktong sundin ang health and safety protocols laban sa COVID19 pandemic at patuloy na sabayan natin ng pananalangin at paghingi ng awa sa ating Panginoong Diyos.

May awa ang Diyos matatapos din ang pandemyang ito, at gaya nga ng paulit-ulit na winiwika ni DOH Spokesperson Ms. Maria Rosauro Vergere, “Together we can beat COVID-19.”