CPA-lawyer, anak inambush sa Cebu!

CPA-lawyer, anak inambush sa Cebu!

September 4, 2022 @ 1:28 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Hinimok ng National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL)  ang mga awtoridad na magkasa ng mabilis na imbestigasyon sa pananambang sa abogado at sa kanyang anak sa Mandaue, Cebu City.

Giit ng NUPL, ang pagtatangka sa buhay ng abogadong si Karen Quiñanola-Gonzales at ng kanyang anak sa Cebu City noong Setyembre 1, 2022 ay “nagbibigay-diin sa patuloy na pagsalakay laban sa mga abogado at legal na propesyonal.”

“NUPL calls for the prompt and effective investigation on the attempt on the lives of lawyer Karen Quiñanola-Gonzales and her son in Cebu City,” saad sa pahayag ng grupo ng mga abogado.

“We call on the authorities: Can we have peace of mind and simply just go to court, our offices and our homes without fear of being the next victim?” dagdag pa niya.

Binanggit ng NUPL ang Basic Principles on the Role of Lawyers, na nag-oobliga sa mga pamahalaan na garantiyahan ang proteksyon ng mga abogado mula sa mga pananakot, hadlang, panliligalig o hindi wastong panghihimasok.

Nanawagan din ang NUPL sa Korte Suprema na magsagawa rin ng “prompt, effective, thorough, competent and impartial independent investigation” hinggil sa insidente at suportahan ang fact-finding missions ng UN at non-government organizations.

Nagkakasa na ngayon ang Mandaue City Police ng imbestigasyon sa insidente.

Base sa pulisya tinambanga si Gonzales, isang CPA-lawyer sa Cebu Port Authority, kasama ang kanyang anak habang binabagtas ang Hernan Cortes St. lagpas alas-10 p.m. ng Setyembre 1.

Natamaan ng bala ng baril sa panga si Gonzales na tumagos sa kanyang leeg habang ang kanyang anak ay nasapul sa likod.

Ani Lt. Col. Franco Rudolf Oriol, deputy director for operations at spokesperson ng MCPO, nasa stable na kondisyon na ang anak nito habang wala pang impormasyon sa kinahinatnan ni Gonzales.

Kinondena ng Integrated Bar of the Philippines (IBP)-Cebu City chapter ang insidente at nag-alok ng P50,000 reward. RNT