CPC ng lumubog na motor tanker, sinusuri kung authentic

CPC ng lumubog na motor tanker, sinusuri kung authentic

March 15, 2023 @ 7:17 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Inaalam na ng Philippine Coast Guard (PCG) kung lehitimo ba ang ‘certificate of public conveyance (CPC)’ na ibinigay sa kanila ng operator ng lumubog na MT Princess Empress.

Kasunod ito ng naging pahayag ng kinatawan ng Maritime Industry Authority (MARINA) at RDC Reield Marine Services na walang hawak na CPC ang naturang barko.

“Ngayon kung sasabihin na ‘spoils’ o walang katotohanan ang CPC, it’s up to the company to prove otherwise. Basta sa amin ito ang pinaghahawakan namin at sa amin lang may presumption of regularity ‘nung binigay sa amin ito nagtiwala kami na ito ay approved ng MARINA na totoo ito at valid ito,” sabi ni Balilo.

Sinabi ni Balilo na ‘amended’ ang CPC at may desisyon na ‘granted’ ito, base na rin sa pagsusuri sa dokumento.

Gayunman, upang malaman ang authenticity ng CPC ay nagsasagawa na ng sariling imbestigasyon ang PCG.

Isa sa susuriin kung orihinal ang pirma at kung sasang-ayon dito ang MARINA.

“Parang initially may denial ang MARINA at may-ari ng barko sa Senate na ‘for approval’ pa ang CPC. Ngayon, ano ‘tong binibigay n’yo sa amin ‘pag naglalayag kayo? That has to be explained by the owners,” ayon pa kay Balilo. Jocelyn Tabangcura-Domenden