CPP-NPA TABLADO NA



CPP-NPA TABLADO NA

June 9, 2021 @ 2:00 PM 2 weeks ago

  •  
  •  
  •  

NASA 84% ng LGUs nagdeklara na ng ‘persona non grata’ vs communist terrorist group.

Magandang senyales ang huling ulat na ito ni Department of Interior and Local Goverment (DILG) Undersecretary Jonathan Malaya, isa rin tagapagsalita ng National Task Force to End Local Communists Armed Conflicts (NTF-ELCAC).

Sa ulat, kamakailan lang ay 1,436 na sa kabuuang bilang na 1,715 na local goverment unit (LGU) sa bansa ang kumukondena na sa mga pahirap na Communist Party of the Philippines at New People’s Army (CPP-NPA).

Ang pagkondina ng mga LGU sa Communists Terrorists Group (CTG), ayon kay Malaya, ay idinaan sa pagpasa ng resolusyon na nagsasabing ang mga CPP-NPA sa kanilang mga lugar ay ‘persona non grata’ na, o hindi na ‘welcome’ sa kanilang mga bayan.

Ang deklarasyon ito ng mga LGU ay pagpapatunay na kasama na ng pamahalaan ang mga local executive o mga punong-lungsod sa pakikipaglaban sa panggugulo ng komunistang-teroristang CPP-NPA na ang tawag sa ngayon ay CTG.

Dahil ang ating mga mayor, gobernador at mga konsehal o mga board member sa mga munisipyo, siyudad at probinsiya ay nagkabigkis-bigkis na upang labanan at kondinahin ang mga masasamang gawain ng CTG, gaya ng pagpatay, pwersahang pagdukot ng mga kabataan para gawing mandirigma, kadalasan ay mga miyembro pa ng katutubo o indigenous people (IP) at pagsira ng mga ari-arian ng pamahalaan at ng mga pribadong indibidwal.

Idinaan sa resolusyon ng konseho at inaprubahan ng kani-kanilang mga punong-lungsod, na pawang inihalal ng mga mamamayan upang sila ay pamunuan.

Ibig sabihin ay mga kinatawan sila ng taumbayan.

Nangangahulugan ito na ang taumbayan ay nasusuklam na rin sa mga gawa ng CTG.

Dagdag pa ni Malaya, ang natitira sa 84% ng mga LGU na 279 ay ganun na rin ang pagnanais at nasa mga level na rin ng diskusyon at deliberasyon sa kanilang mga Sangguniang Bayan o konseho upang ipasa rin ang kahalintulad na deklarasyon.

Ito raw ang kauna-unahang pangyayari simula nang itatag ang samahang komunistang terorista, limampu’t tatlong (53) taon na ang nakararaan.

Ang sabi pa ni Malaya, 53 taon o limang (5) dekada na tayong pinahihirapan ng isang pandemya na nagpapahirap sa marami nating kababayan sa mga kanayunan at ngayon ay nasa Metro Manila na rin.

Ang pagsama-sama ng mga LGU at nasyunal na pamahalaan ay indikasyon na, na ang lahat ay tutol na sa mga gawain ng CTG at nais nang wakasan ito.

‘Di gaya ng ilang dekada na nakaraan, ang Sandatahang Lakas lamang at kapulisan ang nakatuong lumaban sa kanila.

Ang katotohanang ito ang magsisilbing bakuna para patayin ang ‘virus’ na dala-dala ng pandemya ng mga komunistang-terorista sa mahabang panahon.

Nalalapit nang makuha ng taumbayan ang matagal nang minimithing kapayapaan.

Assalamu Alaikum Warahmatullahi Wabarakatuh!


  •  
  •  
  •