Crime group leader, 3 kasabwat nasawata sa Malabon

Crime group leader, 3 kasabwat nasawata sa Malabon

September 1, 2022 @ 12:26 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Sa loob ng selda ang bagsak ng umano’y leader ng isang notoryus crime group at kanyang tatlong kasama na sangkot sa gun running at illegal drug activities matapos masakote ng mga awtoridad sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.

Ang pagkakaaresto kay Melvin De Jesus, 38, umano’y leader ng “Melvin Serrano Group”, Mark Anthony De Jesus, 33, Kelvin De Jesus, 30 at Eddie Tornia, 33, pawang mga residente ng Brgy. Hulong Duhat matapos ang isinagawa ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group of Northern Metro Manila District Filed Unit (CIDG-MMDFU) na search warrant operation sa ilalim ng “Oplan Paglalansag” at “Oplan Salikop” dakong alas-8 ng gabi sa loob ng bahay ng mga suspek.

Ayon kay CIDG-MMDFU chief P/Lt. Col. Jynleo Bautista, habang isinasagawa ng search warrant ay pumalag ang mga suspek at itinulak ang mga operatiba na sina P/CMSgt. Roberto Borromeo, P/SSgt. Jake Balberde at P/Cpl. Rex Ivan Laurnana bago nagpulasan sa magkakaibang direksyon.

Hinabol sila ng mga operatiba hanggang sa makorner ang mga suspek na nagresulta sa pagkakaaresto sa kanila.

Narekober ng pulisya sa mga suspek ang isang caliber .45 pistol na may magazine na kargado ng dalawang bala, isang caliber .38 revolver na may tatlong bala at isang itim na bag.

Ani Lt. Col. Bautista, ang operation ay isinagawa sa pamamagitan ng isang search warrant na inisyu ni Malabon Regional Trial Court (RTC) Judge Antonia Largoza-Cantero para sa paglabag sa R.A. 10591 o ang Comprehensive Law on Firearms and Ammunition Act. Boysan Buenaventura