Crime labs, forensic expertise ng Pinas dapat paghusayin pa – Cayetano

Crime labs, forensic expertise ng Pinas dapat paghusayin pa – Cayetano

March 8, 2023 @ 8:23 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Umabot na sa pitong incumbent at former local officials ang pinatay sa Pilipinas mula noong Hulyo 2022.

Ang pinakahuli nga rito ay ang pagbaril at pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo noong Marso 4 ng grupo ng mga armadong kalalakihan habang nakikipagpulong sa kanyang mga constituent sa loob mismo ng bahay sa Pamplona, sa nasabing probinsya.

Bilang pagtugon dito, ipinasa ng Senado nitong Lunes, Marso 6, ang Senate Resolutions 517, 518, 520, at 521 kung saan kinondena ng mga ito ang sunod-sunod na pag-atake sa mga lokal na opisyal. Nakiisa rin sila sa panawagan ng hustisya sa pagpaslang kay Gov. Degamo.

Bukod sa lahat ng mga nasawi ay mga opisyal ng gobyerno, may isa pang pagkakapareho sa lahat ng kaso ng pamamaslang na ito: kung hindi pa man kilala ang mga mastermind o salarin, wala pang resolusyon sa kaso ang mga otoridad.

Sa ibang bansa, mabilis nahuhuli ang mga suspek sa krimen dahil sa forensics, o ang siyensya ng pangangalap at pagkilatis ng iba’t ibang klase ng ebidensya mula sa mga crime scene.

Dito na pumapasok ang problema sa bansa kung saan kulang na kulang ang Pilipinas sa mga laboratoryo, kagamitan, at expertise para rito.

Matagal naman nang pinupuna ni Senator Alan Peter Cayetano ang nasabing isyu ng kakulangan kung saan taong 2006 pa lang ay ipinapanawagan na niya ang pagmo-modernize ng crime laboratories ng Philippine National Police sa buong bansa.

Ang PNP Forensic Group – na dating kilala bilang PNP Crime Laboratory – ay kasalukuyang may limang district crime laboratory offices sa National Capital Region, 16 laboratories sa mga rehiyon, at 101 sa mga probinsya.

Lahat ng mga laboratoryong ito ay kailangan ng karagdagang mga kagamitan at ng mas maigting na training para sa forensics investigators ng PNP.

Ayon kay Senator Cayetano, sadyang mas may bigat ang forensic evidence sa korte kaya’t susi ang mas masinsinang pangongolekta at pagproseso nito sa pag-iimbestiga ng mga kaso ng pagpatay at iba pang mabibigat na krimen.

Noon pa man, si Cayetano ang nagsusulong ng modernisasyon at karagdagang pondo para sa mga crime lab sa bansa tulad na lamang sa Kampo Crame at iba pang regional crime laboratories.

Katunayan, sa tulong ni Cayetano nadagdagan ang pondo para sa forensic at crime labs ng PNP ng P50 million para sa pagbili ng state-of-the-art equipment para sa Regional Crime Laboratory Office sa Davao, na binuksan noong 2018.

Sa 2023 national budget naman, sinuportahan ni Sen. Cayetano ang P170 million para sa mga pasilidad ng PNP Special Action Forces o PNP-SAF sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City.

Bagamat maganda na may ganitong mga improvement sa piling crime laboratories at pasilidad ng kapulisan sa bansa, kailangan pa rin ng malawakang improvement sa forensics infrastructure ng Pilipinas kung nais na mapabilis ang pagkamit ng hustisya sa mga kaso tulad ng pagpaslang kay Governor Degamo.

Ang importante rito, matuldukan agad ang kaso at mabigyan ng hustisya ang mga biktima at kanilang mga naulilang pamilya. RNT