Manila, Philippines – Ipinagmalaki kanina Hulyo 3, 2018 (Martes) ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na bumaba ang crime rate sa Metro Manila at ito’y dahil sa pitong ‘factors’ kabilang ang war on drugs ng pamahalaan.
Ayon kay NCRPO PDIR Guillermo Lorenzo T. Eleazar, sa ‘statistical records’ bumaba ang crime rate ng 25% sa unang anim na buwan ng 2018, kumpara sa kaparehong panahon noong 2017.
Bukod dito, sinabi pa ni Eleazar na ang unang 2 taon ng July 2016 hanggang June 2018, ang crime rate sa Duterte administration kumpara sa huling 2 taon ng July 2014 hanggang June 2016 ng Aquino administration, ang crime rate ay bumaba ng 49%.
Nabatid na ang unang factor ay ang war on drugs ng pamahalaan na naging epektibo, pangalawa ang agresibong kampanya laban sa kriminalidad at illegal drugs; bukas sa pagtawag sa hotline; PNP internal cleansing; implementasyon ng disiplina at ethics building program sa Police Commissioned Officers at Police Non- Commissioned Officers; dagdag suweldo ng mga pulis at military.
Kabilang din sa nasabing factors ang pagkaloob sa PNP ng bagong teknolohiya tulad ng CCTV’s, GPS systems, tracking devices, smart phones, social media at implementasyon ng mga ‘city ordinance.’
Kaugnay nito, tiniyak ni Eleazar sa publiko na ang Team-NCRPO ay laging nakahanda at patuloy na magsisilbi at magbibigay proteksiyon sa publiko. (Santi Celario)