Criminal orgs posibleng nagkuta sa Bilibid

Criminal orgs posibleng nagkuta sa Bilibid

November 7, 2022 @ 5:33 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Mayroon umanong malakas na indikasyon na mayroong presensya ng mga criminal organizations sa loob ng New Bilibid Prison.

Ito ang sinabi ni Department of Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla nitong Lunes, Nobyembre 7 kasabay ng press conference ng pag-aanunsyo nila na inihain na ang kasong murder laban kina suspended Bureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag at Deputy Security Officer Ricardo Zulueta para sa pagkamatay ng mamamahayag na si Percy Lapid at ng itinuturong middleman na si Jun Villamor.

“Susuriin po namin ulit kasi maraming tanong na lumalabas kasi maraming nagsasalita ngayon na hindi nagsasalita dati,” ani Remulla nang matanong kung may mga kaso ba noon na naiugnay na sa dalawang opisyal.

Dagdag niya, indikasyon din umano ang mga nasamsam na alak, illegal na droga at mga patalim sa loob mismo ng Bilibid na mayroong mga kriminal na grupong nagtatago doon.

Mayroon din umanong centralized purchasing system at transaksyon ng kontrabando sa mismong prison system.

Bubusisiin din ng mga awtoridad ang isyu sa likod ng pagkamatay ng iba pang preso sa Bilibid nang matuklasan na mayroong 30 iba pang bangkay sa Eastern Funeral Homes.

Ani Remulla, kinikwestyon din nila ang pagkamatay ng 18 drug lord sa loob ng 75 araw at agad na na-cremate dahil sa COVID-19.

“But the presence of a criminal organization we cannot tell now,” aniya.

“We will study it and maybe we can know how long this has been going on. But definitely, there has been criminal activity going on inside the New Bilibid Prison,” dagdag pa ng Justice secretary. RNT/JGC