Manila, Philippines – Umapela si ACTS-OFW Partylist Rep. Aniceto Bertiz sa House Committee on Labor and Employment at House Committee on Overseas Workers Affairs na imbestigahan ang isang cruise ship na nakapag-recruit na ng 200 Overseas Filipino Workers (OFWs) para makapagtrabaho sa Micronesia.
Ang apela ay ginawa ni Bertiz matapos mabuking ng National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine Coast Guard (PCG) ang ginagawang illegal recruitment activities ng MV Forever Lucky Cruise Ship na pagmamay-ari ng Fahrenheit Co. Ltd.
Paalis na sana ng Port of Orion sa Bataan ang cruise ship noong July 3 nang harangin ito ng mga awtoridad matapos mapansing marami itong sakay.
Sa salaysay ng mga biktima, wala silang foreign employment papers at sinabihan lamang na magdala ng kanilang pasaporte at sumakay na sa barko na patungong Micronesia.
Nabatid na ang Forever Lucky na nag-ooperate sa Subic Bay Freeport Zone ay may permiso lamang para maghatid ng construction supplies sa Micronesia subalit lumalabas nakakapagrecruit din ito ng mga trabahador patungong Micronesia kabilang ang mga entertainers, cooks at waiters.
“We intend to ascertain whether MV Forever Lucky managed to sneak Filipino job recruits out of the country in the past, before it was caught red-handed,” paliwanag ni Bertiz.
Ayon kay Bertiz dapat alamin ng Kamara kung mayroong mga business partners ang Forever Lucky sa Micronesia kaya nakapagpapadala ito ng mga manggagawa at kung mayroon nang narecruit ay alamin kung nasaan na ang mga ito at kung maayos ang kalagayan.
Kasabay nito nanawagan si Bertiz sa mga awtoridad na maging mahigpit sa pag-iinspeksyon sa mga paalis na mga barko dahil karaniwan itong ginagamit sa illegal recruitment operations.
(Gail Mendoza)