Cullamat, idineklarang persona non-grata sa Surigao del Sur

Cullamat, idineklarang persona non-grata sa Surigao del Sur

September 14, 2021 @ 7:37 AM 1 week ago

  •  
  •  
  •  

MANILA, Philippines – Naghain ng unified resolution ang grupo ng Indigenous Cultural Communities/ Indigenous Peoples (ICC/IP) mula Surigao del Sur para ipanawagan ang pagpapatalsik kay Bayan Muna party-list Representative Eufemia Cullamat.

Kahapon nang ianunsyo ng Provincial Tribal Council (PTC) na binubuo ng mga Manobo, Mandaya, at Mamanwa ICC/IP sa virtual media briefing ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ang tungkol sa resolusyong inihain nila noon pang September 2.

Maliban dito ay idineklara ring persona non-grata sa kanilang lugar si Cullamat.

Ayon kay Datu Rico Maca, Municipal Indigenous Peoples Mandatory Representative ng bayan ng  San Miguel at municipal tribal chieftain, suportado ng nasa 126 IP tribes sa buong bansa ang resolusyon.

“Kaya kami dun sa unified resolution dito sa Caraga, nagpalabas kami ng persona non grata against kay Eufemia Cullamat na talagang hindi siya welcome dito sa aming ancestral domain dahil siya pala ang banta sa kinabukasan ng aming kabataan dito,” ani Maca.

Dagdag niya, ilang tribal leaders at miyembro nito ang napatay pero ang inihihingi lamang ng hustisya ni Cullamat ay ang mga namatay na tagasuporta ng New People’s Army (NPA).

Nakasaad din sa resolusyon na deka-dekada nang dumaranas ang mga ICC at IP sa Caraga Region ng manipulasyon, misrepresentation at gulong gawa ng mga makakaliwang grupo, terorista at kanilang tagasuporta.

Kinokontrol din ng komunistang grupo ang mga tribo at ginagamit ang kanilang ancestral domains sa pamamagitan ng kunwari’y pagtulong at pagpapaunlad sa IP areas.

Ginagamit lang din umano ni Cullamat ang kanyang posisyon sa Kongreso para sa sariling interes at ng Communist Party of the Philippines (CPP).

“Eufemia Cullamat, the representative of Bayan Muna, does not represent the ICCs/IPs of Caraga Region. Her acts and deeds in Congress do not represent the aspirations of the ICCs/IPs,” nakasaad sa resolusyon.

Nakasaad din sa resolusyon ang pagdedeklara ng grupo ng buong suporta kay National Commission on Indigenous Peoples Chair, Secretary Allen Capuyan at kay Regional Director Atty. Marlon Bosantog, na ibinigay ang lahat ng kanilang tunay na pagsisikap para maitaguyod ang mga karapatan at kapakanan ng mga ICC/ IP. RNT


  •  
  •  
  •