Curfew bill, hiniling na ipasa agad ng Kamara

Curfew bill, hiniling na ipasa agad ng Kamara

June 25, 2018 @ 4:53 PM 4 years ago


 

Manila, Philippines – Bilang suporta sa Anti-Tambay Policy ng Duterte Administration, umapela ang isang kongresista sa kapwa mambabatas sa Kamara at Senado na paspasan na ang pag-apruba sa nakabinbing panukala para sa pagpapatupad ng curfew sa mga menor de edad.

Ayon kay Bagong Henerasyon Partylist Rep Bernadette Herrera-Dy kailangan ang ganitong istriktong batas para maprotektahan ang mga kabataan na siyang most vulnerable sa lipunan.

Ngayong may polisya umano ang gobyerno laban sa mga tambay ay mas kailangan ang pagsagip sa mga menor de edad lalo ang mga inaabot ng dis oras ng gabi dahil sa pagimmick o paglalaro ng computer games, ang pagpapatupad umano ng curfew ay isang mabisang paraan para maiiwas ito sa bisyo gayundin para sa kabilang seguridad.

Sa ilalim ng House Bill 7513 o Unsafe Hours for Children Act ay ipinagbabawal na ang paglabas sa bahay ng mga menor de edad may edad 18 pababa mula alas 10:00 ng gabi hanggang 5:00 ng madaling araw.

Naniniwala si Herrera-Dy na solido ang legal na basehan ng nasabing panukala dahil nakasunud ito sa ordinansa sa Quezon City ukol sa curfew na una nang idineklara ng Korte Suprema na Constitutional.

Katulad ng pagkakaroon ng curfew ay pabor din si Herrera-Dy sa anti-tambay policy na ipinatutupad, aniya, ang konsepto nito ay gaya lamang sa pagkakaroon ng curfew na ang hangarin ay maiiwas ang mga tambay na mabuyong gumawa ng kalokohan at sa halip ay maging produktibo at makatulong sa komunidad sa halip na tumambay lamang.

Bagamat suportado ang polisiya sinabi ni Herrera-Dy na dapat mayroong malinaw na protocol sa pagpapatupad ng pag aresto sa mga tambay upang maging malinaw sa mga inaaresto kung bakit sila dinadampot at may katiyakan na hindi naabuso ang kanilang karapatan. (Gail Mendoza)