CVMC umapaw na sa COVID patients

CVMC umapaw na sa COVID patients

January 14, 2022 @ 9:27 AM 7 months ago


CAGAYAN VALLEY-Nasa full capacity na ang COVID-19 ward ng Cagayan Valley Medical Center o CVMC dahil sa patuloy ang pagtaas ng bilang ng tinamaan ng nasabing virus.

Ayon kay Dr. Glenn Baggao, Medical Center Chief ng CVMC ay umaabot sa 213 patients ang binabantayan sa ospital kung saan ay 174 dito ang confirmed cases habang 39 naman ang suspected cases.

Karamihan dito ay mula sa Tuguegarao City na 129; tig-isa naman mula sa bayan ng Aparri, Sanchez Mira at Gonzaga; tig-dalawa naman mula sa bayan ng Camalanuigan, Enrile at Alcala, habang mayroon namang tatlo naman mula sa Gattaran; tig-apat naman sa bayan ng Baggao at Sto. Niño; lima sa Iguig at tig-pito sa mula naman sa bayan ng Peñablnca at Solana.

Ang iba pang pasyente ay mula naman sa karatig-probinsiya kung saan ang Isabela ay mayroong 7; Kalinga 6 at tig-isa rin mula sa lalawigan ng Quirino at Apayao.

Sa suspected patients, 33 dito ay mula sa probinsiya ng Cagayan at 6 naman mula sa Isabela.

Nangangamba si Dr. Baggao, tila bumabalik ang nangyari noong buwan ng Agosto at Setyembre 2021 na umabot pa sa mahigit 300 ang pasyente ng Covid-19 sa naturang ospital.

Sa ngayon ay ibinalik sa 200 bed capacity ang CVMC at lagpas na ngayon sa 100% capacity ito.

Binigyang diin ni Dr. Baggao na dapat unahin na i-refer sa CVMC ang mga pasyenteng severe at critical patients at sa district hospitals na lamang ang mga mild at moderate na pasyente.

Naniniwala naman umano si Dr. Baggao na may kakayahan ang mga District Hospitals na i-manage ang mga hindi kritikal na pasyente at upang mas matutukan ang mga malalang pasyente sa CVMC upang maiwasan ang pagkasawi.

Nakipag-ugnayan na rin umano ang CVMC sa DOH R02 para sa Communuty Isolation Unit na may 64 beds kung saan ay maaari na itong gamitin at ang CVMC na ang mamamahala. Binuksan rin ang Nightingale Ward ng CVMC para pa rin sa mga Covid-19 patients bago dalhin sa Covid ward.

Muli ring binuksan ang step down facility para sa mga mild na pasyente upang magkaroon ng bakante para sa mas severe o kritikal.

Nagdagdag na rin ng 300 oxygen tanks ang CVMC at sapat rin naman umano ang gamit sa ospital.

Nakakalungkot rin aniya na nasa 59 naman na health workers sa CVMC ang apektado ngayon sa nakamamatay na virus.

Samantala, umaapel ang mga frontliner sa publiko na sumunod sa Minimum Public Health Standards at magpabakuna na kontra COVID-19 para makaiwas sa nakakahawa at nakakamatay na virus. REY VELASCO