Cynthia Villar kay PBBM: Sunod na DA chief, dapat may puso para sa magsasaka

Cynthia Villar kay PBBM: Sunod na DA chief, dapat may puso para sa magsasaka

January 24, 2023 @ 5:48 PM 3 days ago


MANILA, Philippines- Inihayag ni Senador Cynthia Villar na dapat may pusong maliliit na magsasaka ang isusunod na kalihim ng Department of Agriculture (DA) upang umunlad ang sektor na matagal nang napabayaan ng pamahalaan.

Sa ngayon, hawak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang DA pero inihayag kamakailan na dapat eksperto sa agrikultura ang dapat maitalaga sa posisyon bilang full-time secretary.

Pero, para kay Villar, chairman ng Senate committee on agriculture, food and agrarian reform na dapat may pusong mahihirap na magsasaka dahil maraming eksperto ang magagaling ngunit hindi tinitindigan ang interes ng maliliit.

“Maraming expert kaya lang kung wala namang heart for the farmers aapihin din ang small farmers,” aniya sa interview sa Senado.

“Kasi alam mo mahirap din pag maraming nag i-influence sayo to do something that is not good for the farmers and minsan hindi na rin maka-resist kaya dapat talaga may heart na devoted sa farmer para maka resist sa mga temptation na ganun.” Paliwanag ng senadora.

Pinaburan ni Villar ang pangangailangan na dapat full-time ang magiging hepe ng ahensiya pero iginiit niya na dapat may tunay na pagmamahal sa magsasaka ang susunod na kalihim.

“Kasi kahit ka may secretary of agriculture kung hindi mo naman mahal ang farmer e di wala ring serbisyo, giit niya.

Tinukoy din ni Villar na palagi at matagal nang itinuturing na Department of Importation ang ahensiya na umaangkat ng produkto kapag may kakapusan sa suplay sa halip na paunlarin ang lokal na sakahan.

Sinabi ni Villar na panandaliang sulosyon lamang ang importasyon kaya nararapat na pagtuunan ng pamahalaan ang development programs upang maging competitive ang magsasaka.

Umayaw din na magbigay ng pananaw si Villar kung sino ang dapat maging susunod na DA chief sa pagsasabing “Sabi ng husband ko, wag daw ako magko-comment ng ganyan.”

“Hindi ako naghahanap e kasi hindi naman ako presidente bakit ako maghahanap?” aniya. Ernie Reyes