Cypriot national na sangkot sa financial fraud arestado sa NAIA

Cypriot national na sangkot sa financial fraud arestado sa NAIA

January 30, 2023 @ 6:28 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Naaresto ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang isang Cypriot national na wanted ng mga awtoridad sa Greece dahil sa pagkakasangkot nito sa mga serye ng panggagantso.

Kinilala ni Immigration Commissioner Norman Tansingco ang dayuhan na si Renos Neofytou, 59, na naaresto sa NAIA Terminal 3 habang papaalis pasakay ng Air Asia patungong Kuala Lumpur, Malaysia.

Ayon kay Tansingco, si Neofytou ay pinigilang umalis dahil ang pangalan nito ay nasa hit list ng mga wanted na dayuhan sa Interpol database nang i-scan ng mga immigration officer ang kanyang passport.

“It appears that he is a convicted felon who is wanted to serve a prison sentence handed to him by a court in Greece,” ani Tansingco.

Dagdag pa ng opisyal, si Neofytou ay ipapa-deport matapos makapag-isyu ang BI board of commissioners ng summary deportation.

“He will then be placed in our immigration blacklist of undesirable aliens and banned from reentering the country,” ayon kay Tansingco.

Nabatid sa Interpol’s national central bureau (NCB) sa Manila, si Neofytou ay may red notice na inisyu ng NCB Greece noong 2017 kasunod ng kanyang conviction na nine counts dahil sa paglabag sa cheques law, hindi pagbabayad ng utang at pag-isyu at pagtanggap ng pekeng tax documents.

Nabatid na ang nasabing dayuhan ay nakatanggap ng sentensya mula apat na buwan hanggang limang taon sa bawat kaso nito dagdag pa dito ang isang taon na pagkabilanggo dahil sa pagtakas sa Greece upang umiwas sa kaso. JAY Reyes