DA: ₱78.9M puslit na agri products, nakumpiska sa Manila

DA: ₱78.9M puslit na agri products, nakumpiska sa Manila

January 10, 2023 @ 3:36 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Umabot sa ₱78.9 milyong halaga ng mga iligal na puslit na agricultural products ang nasamsam sa magkakahiwalay na operasyon sa Manila International Container Port, ayon sa Department of Agriculture nitong Martes.

Nadiskubre ang puslit na pula at puting sibuyas na nagkakahalaga ng ₱25.3 milyon sa tatlong container van mula sa Taculog J International Consumer Goods Trading noong Disyembre 27.

Noong Enero 3, limang container mula sa Taculog J International Consumer Goods Trading at Hutchison Jardine Trading Corporation na may lamang ₱27.8 milyong halaga ng mga kontrabando — partikular na ang sariwang pula at puting sibuyas, frozen pork stomach pouch cuts, at frozen boneless beef shanks– ang nakumpiska.

Kinabukasan, Enero 4, natuklasan din ang ₱23.58 milyong halaga ng mga iligal na inangkat na pulang sibuyas sa tatlong container van mula sa Asterzenmed, Inc.

Sa pinakahuling iniulat na operasyon noong Enero 5, napigilan ng mga awtoridad ang pagpasok ng ₱2.2 milyong halaga ng sariwang carrots mula rin sa Asterzenmed, Inc.

Sinabi ni Assistant Secretary for DA Inspectorate and Enforcement James Layug na nagpapatuloy ang intelligence operations para sa mga shipment sa ilalim ng tatlong consignees.

Aniya, nakatakdang sampahan ng kaso laban ang mga illegal importer sa paglabag sa Food Safety Act of 2013 (Republic Act No. 10611) at Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016 (Republic Act No. 10845).

Magkatuwang ang Philippine Coast Guard (PCG) at Bureau of Customs (BOC) sa mga operasyon mula Disyembre 2022 hanggang Enero 2023.

Sa pinakahuling monitoring ng DA, ang lokal na presyo ng red at white onion ay bumalik sa hindi bababa sa ₱480 at ₱450 kada kilo. RNT/SA