DA dapat makipagtulungan sa stakeholders – SINAG

DA dapat makipagtulungan sa stakeholders – SINAG

January 27, 2023 @ 11:07 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Makipagtulungan ang Department of Agriculture (DA) sa iba’t ibang stakeholders nito sa industriya upang maabot ang layunin na talagang matulungan ang mga Filipino.

Ito ang paghimok ni Samahang Industriya ng Agrikultura’s (SINAG) chairperson Rosendo So sa panayam ng The Mangahas Interview (TMI) nang tanungin kung ano ang posibleng solusyon ng ahensya sa mga suliranin na nararanasan ng bansa sa sektor ng agrikultura.

“Communicate with our industry. ‘Yung ginagawa ng mga tao sa DA mukhang hindi pareho sa direksyo ng Pangulo, puro importation when the President said na local production,” ani So.

Ayon sa SINAG, ang importasyon ay hindi solusyon para mapalakas ang produksyon ng bansa bagkus ay nakakaapekto pa ito sa mga magsasaka na napipilitang makipagpababaan ng presyo ng kanilang mga produkto.

“Kung makita natin, ang rice ba nung lumaki yung import, dumami ba nagtanim dito sa ating bansa? Nabawasan, di ba?” sinabi pa ni So.

“Hindi yun ang solution talaga, kung importation lang ang solusyon hindi na magpapasok ang ating local industry. Like yung sa baboy for example, yung lowering of tariffs, yung mga malalaking players opt to import nalang kesa mag-finance kesa mag-expand sa local. Yun ang problema natin,” pagpapatuloy.

Dapat rin aniya na magkaroon ng mga opisyal si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tutulong sa kanyang departamento na mapalakas ang produksyong agrikultural ng bansa.

Matatandaan na sa naging biyahe ni Marcos sa Switzerland para sa World Economic Forum, isinulong nito ang pagpapalakas sa productivity ng agrikultura at pangisdaan sa pamamagitan ng climate-resilient technologies, at produksyon maging sa non-agricultural areas tulad ng urban at vertical farming, kasama ang community gardening.

“The food from the toil of our own hands is the food that will most nourish our bodies,” anang Pangulo. RNT/JGC