DA: Epekto ng bird flu, mitsa ng pagtaas ng presyo ng itlog 

DA: Epekto ng bird flu, mitsa ng pagtaas ng presyo ng itlog 

January 12, 2023 @ 6:12 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Inihayag ng Department of Agriculture (DA) nitong Huwebes na ang bird flu, na nakaapekto sa egg producing areas, ang mitsa ng pagtaas ng presyo nito sa pagharap ng mga Pilipino sa mataas na presyo ng agricultural products.

“This is still the effect of avian influenza na tinamaan tayo,” pahayag ni DA Deputy Spokesperson Rex Estoperez.

Naunang sinabi ni Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) president Rosendo So na mayroong shortage sa suplay ng itlog sa pagtama ng bird flu sa mga lalawigan gaya ng Pampanga at Bulacan.

Sinabi ni Estoperez na nakikipagtulungan ang gobyerno sa broilers at egg producers upang tugunan ang problema, at binanggit na nagsimula nang makarekober ang local industry subalit maaaring matagalan.

Ayon sa pinakabagong price monitoring ng DA, ang average cost ng medium-sized egg sa Metro Manila markets ay naglalaro sa ₱6.90 hanggang ₱8.70.

Subalit sa ibang pamilihan, pumapalo ito sa ₱10 para sa regular-sized egg.

Iginiit ng Philippine Egg Board Association na sobra ito dahil naglalaro lamang ang farmgate prices sa ₱6.20 hanggang ₱7.20.

Sa kabila ng mataas na presyo, sinabi ni Estoperez na hindi inaasahang tataas pa ang presyo ng itlog dahil patuloy ang produksyon nito sa pagbangon ng industriya mula sa virus. RNT/SA