DA exec: P30B-P40B kailangan para sa sapat na suplay ng bigas

DA exec: P30B-P40B kailangan para sa sapat na suplay ng bigas

May 21, 2022 @ 10:02 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Aabot sa P30 billion hanggang P40 billion ang kinakailangang ilabas ng administrasyon ni presumptive president Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. para matugunan ang kakulangan sa suplay ng bigas sa second half ng taon bunsod ng tumataas na presyo ng fertilizer.

Ito ang sinabi ni Department of Agriculture (DA) Undersecretary Fermin Adriano kasunod ng babala ni Agriculture Secretary William Dar na posibleng pagtama ng krisis ng pagkain sa bansa.

Nitong Miyerkules, matatandaang sinabi ni Dar na may nagbabadyang food crisis sa bansa dahil sa tumataas na presyo ng farm inputs noong ikalawang semester ng 2022 na bunsod naman ng mga epekto ng pandemya sa ekonomiya ng bansa, gayundin ng tumataas na presyo ng langis at nagpapatuloy na giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine.

“Ang food crisis maaaring maramdaman towards the end of the year,” saad ni Adriano.

“Nagbibigay kami ng warning sa next administration, hindi natin alam kung sasapat ang supply ng bigas sa second half ng taon… Kapag hindi tayo nagbigay ng ayuda sa mga magsasaka para sa fertilizer, baka magkaproblema,” dagdag pa ng DA official.

Dahil dito, sinabi ni Adriano na kinakailangan ng bansa ng P30 billion hanggang P40 billion na pondo para matiyak na magiging sapat ang suplay ng bigas sa bansa.

Maliban dito, itinutulak din ngayon ng DA ang produksyon ng mas maraming buto na maaaring ipamahagi ng ahensya sa mga magsasaka. RNT/ JCM