DA hybrid seed program, pinalagan ng farmer group

DA hybrid seed program, pinalagan ng farmer group

February 18, 2023 @ 5:00 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Sinita ng farmer group na Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) nitong Sabado ang paglipat ng gobyerno sa paggamit ng hybrid seeds kaysa sa inbred seeds,at sinabing may ibang paraan para makamit ng bansa ang rice self-sufficiency.

Inaprubahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kamakailan ang paggamit ng hybrid rice seeds, na target itanim ng Department of Agriculture (DA) sa mahigit 1.5 ektarya ng lupa.

“Kaiba sa certified seeds, ang hybrid rice seeds hindi na pwedeng i-binhi. Palaging bibili ang magsasaka. Ang kumpanya ng hybrid seeds ang may tiyak na kita dito,” pahayag ni Rafael Mariano, chairman ng KMP at dating kalihim ng Department of Agrarian Reform.

Nakipagkasundo si Marcos, na siya ring DA chief, sa private research firm na SL Agritech Corporation (SLAC) para i-convert ang target areas na may certified seeds sa hybrid seeds.

“Dapat prayoridad ang food production. Kung yung 4.8 million hectares harvested area for rice natin ay mapataas ang yield ng lima hanggang anim na tonelada kada ektarya, maabot natin ang self-sufficiency at hindi na kailangan mag-import,” ani Mariano.

Binigyang-diin ni Mariano na dapat magkaroon ng iba’t ibang rice crops para pagbutihin ang genetic diversity.

“Kung may genetic uniformities o iisa lang ang binhi, kapag tinamaan ng sakit, peste o virus ang palay, salanta agad,” babala niya.

Subalit, binigyang-diin ng DA kamakailan na ang crop yield ay mas mataas ng 41 porsyento gamit ang hybrid seeds kumpara sa conventional seeds. Kabilang ang Western Visayas, Eastern Visayas, South Cotabato, Cotabato, Sultan Kudarat, Sarangani at General Santos City o Soccsksargen, maging Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao sa target areas ng DA para sa hybrid seed planting. RNT/SA