DA, kinastigo sa mataas pa ring presyo ng bigas

DA, kinastigo sa mataas pa ring presyo ng bigas

August 2, 2018 @ 1:58 PM 5 years ago


 

Manila, Philippines – Sinita ng House Appropriations Committee ang Department of Agriculture (DA) sa mataas pa rin na presyo ng bigas sa merkado gayong mayroon nang inangkat na tone-toneladang bigas.

Sa hearing para sa panukalang P49.8B budget ng DA agad na itinanong ni Appropriations Committee Chairman Karlo Alexie Nograles si Agriculture Secretary Manny Piñol kung bakit hindi kayang pababain ang presyo ng bigas kung stable naman ang supply nito.

Sagot ni Piñol na ang pagtaas ng presyo ng bigas ay bunsod na rin ng pagtaas ng inflation, mataas na rice input ngunit mababang produksyon at kawalan ng sapat na irrigation facilities.

Giit ni Piñol, kung maipapasa ang panukalang Agricultural Tarrification Act ay magbibigay daan ito para matiyak ang mataas na supply bukod pa sa kikita ang pamahalaan ng P20B kada taon.

Sa ilalim ng panukala ay wala nang limitasyon sa pag-iimport subalit papatawan naman ito ng taripa, ang buwis na malilikom ay makatutulong sa mga magsasaka para makabili ng magandang binhi at pagdoble ng kanilang mga ani.

Ani Piñol, kaya rin mahina ang local rice ay dahil hindi maganda ang binhi ng bigas na naipo-produce sa bansa pero kung may kikitain na mula sa Rice Tariffication ay makakabili na ng magandang binhi ang mga magsasaka at tiyak na ito na ang tatangkilikin ng mga mamimili.

Agad namang kinontra ni Butil Partylist Rep Cecilia Chavez ang pagsusulong ni Pinol sa Agricultural Tarrification Act, giit ng mambabatas na ang nais na gawin ng DA ay tanggalan ng subsidiya ang mga magsasaka at gawin na itong pautang.

Dagdag pa ng kalihim hindi kakayanin ng pamahalaan na palaging i-subsidize ang tulong sa mga magsasaka, mas mainam umano na bigyan ng pautang na may mababang interes upang ipambili ng mga ito ng mas magandang binhi, pataba at anumang kailangan ng mga ito.

Lalong nairita si Chavez sa sagot ni Piñol na nagbantang i-defer ang pagdinig sa budget ng DA ngunit iginiit ni Piñol na tuloy ang kanilang policy change at planong ipatupad ito sa 2021 kung saan naisumite na umano nila kay Pangulong Rodrigo Duterte ang policy shift ng DA at sinuportahan ito ng Pangulo.

Pagtatanggol pa ni Piñol na ang kanilang hakbang ay para makatipid ang gobyerno at hindi maubos ang pondo nang walang nangyayari.

“For production support for all sections, it reaches P30 to P40 billion annually and all of that money is just given away without chance of recovery,” giit pa ni Pinol.

Sa 2019 proposed budget ay bumaba ng 1.8% ang budget ng DA na maging P49.8B mula sa dating P50.7B.

Samantala, sa nasabing ding pagdinig ay pinasusumite ng House Committee on Appropriations ang kopya ng detalye sa paggastos at balanse sa off budget accounts ng DA matapos isiwalat ni Bagong Henarasyon Rep. Bernadette Herrera-Dy na may malaking balanse ang DA mula sa off budget accounts na aabot sa P944 Million noong 2016 at tumaas pa sa P1.6 Billion noong 2017.

Bukod dito, umabot lamang sa P433 Million noong 2016 ang nagastos sa off-budget accounts habang P843 Million lamang noong 2017.

Kinukwestyon ni Herrera-Dy na bakit malaki pa ang balanse gayong maraming mga magsasaka ang nangangailangan ng tulong. (Gail Mendoza)