DA: Krisis sa pagkain, nagbabadya!

DA: Krisis sa pagkain, nagbabadya!

May 19, 2022 @ 7:15 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Nagbabala ang Department of Agriculture (DA) nang nagbabadyang food crisis sa bansa dahil sa matinding epekto ng coronavirus pandemic sa ekonomiya, mataas na presyo ng langis at patuloy na giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine.

“Nakikita natin at marami na ring mga eksperto ang nagsasabi na there is a looming food crisis. Tayo naman…ay handa tayo…Itong second semester of the year. Nakikita na ninyo ang pagtaas ng presyo ng inputs, kaunti ang mabibili sa global market,” ayon kay DA Secretary William Dar.

Sinusugan naman ni Agriculture undersecretary Fermin Adriano ang naging pahayag ni Dar, sabay sabing ang mababang food production at patuloy na lumalaking populasyon sa bansa ang mga dahilan ng umusbong na problema.

“Sa dalawang dekada na yun. Tumataas lang, lumalago lang ang productivity nyan ng 1.1 percent napakababa talaga pero yung population natin lumalaki annually ng 1.4 [percent] kaya kulang na kulang ang production natin,” ayon kay Adriano.

Upang mapagaan ang nasabing usapin, umasa at sumandal ang pamahalaan sa National Agriculture and Fisheries Modernization and Industrialization Plan, kabilang na ang mga programang magpapalakas sa “food and agriculture production.”

Ang plano ay unang ipinatupad noong 2021 at inaasahan na magpapatuloy hanggang 2030.

“We will pass on the document to the next leadership of the department. And as I said, there’s no time for a learning curve to the next officials ng agrikultura. Wala pong time kasi may krisis tayong kinahaharap,”ayon kay Adriano.

Sa kabilang dako, hinikayat naman ng DA ang publiko na kumuha ng urban farming upang mas lalo pang palakasin ang food production ng bansa.

“Dapat paghandaan… Bawat Pilipino. Kung pwede, magtanim tayong lahat, mag-alaga at mangisda. Sa urban areas… we have to do it, tayong mamamayan, plantito at plantita,” ayon kay Dar.

Gayundin, hinikayat ng DA ang pamahalaan na idagdag sa buffer stock ng NFA rice para sa 30 araw sa halip na pitong araw.

Ang suplay ay ipagbibili sa mga miyembro ng 4Ps (Pantawid Pamilyang Pilipino Program) na labis na naapektuhan ng tumaas na presyo ng pagkain.

Gayunman, inamin nito na ang nasabing panukala ay nangangailangan ng malaking alokasyon. Kris Jose